KAPRITSO NG LAMAN (Ika-87 na labas)

NANG lumabas na si Sally sa kuwarto, bumangon si Jason.

Gising na rin pala ang binata. Dinampot niya ang cellphone na nakapatong sa mesita.

May hinanap siya sa phonebook …

Numero ito ng cellphone ng mister ni Sally na si Jude.

Habang wala ang babae, sasamantalahin niya ang pagkakataon na tawagan ang lalaki.

Nasa kusina si Jude at naghahanda ng pagkain nila ni Tina nang biglang mag-ring ang kanyang cellphone na nakasilid sa bulsa.

Dinukot niya ito sa bulsa…

Hindi pamilyar sa kanya ang numero na alam niyang hindi lokal …

Sa ibang bansa ito nanggaling …

Bigla siyang nagkainteres na sagutin ang tawag …

Saglit muna niyang itinigil ang pagluluto. Sinagot niya ang tawag …

Lalaki ang nasa kabilang linya. Hindi niya kilala.

Pero dahil Tagalog ang salita, alam niyang kapwa niya ito Pinoy.

“Good morning, pare. Sino ka ba at bakit mo ako tinawagan?” tanong ni Jude.

“Hindi na importanteng makilala mo ako, pare. Pero kilala kita at kilala ko rin ang asawa mo. Nagmamalasakit lang ako sa iyo, pare,” sagot nito.

“A-Ano ang ibig mong sabihin?” nakamaang na tanong ni Jude.

“Gusto ko lang sabihin sa iyo na kinakaliwa ka ng asawa mo rito. May lalaki siya rito. Kaya kung ako sa ‘yo, kalilimutan ko na siya at hahanap na ng kapalit niya!” sabi ni Jason.

“Kung magpapakilala ka, maniniwala ako sa iyo. Pero kung hindi, iisipin ko na gusto mo lamang sirain ang maganda naming pagsasama ni Sally,” mariing sagot ni Jude.

“Kung ayaw mong maniwala, bahala ka! Pero tandaan mo, dahil sa paniniwala mo na mahal ka pa ng iyong asawa, pindeho na pala ang labas mo,” sagot naman ni Jason sabay pindot sa endline ng kanyang cellphone.

Tama na ang saglit na pakikipag-usap niya kay Jude.

Alam niya, malaki ang magiging impact nito sa katatagan ng lalaki.

Mag-iisip na siya …

Magagalit siya kay Sally.

Broken marriage na ang kasunod nito.

Samantala, biglang nanlambot si Jude dahil sa tip nang hindi nagpakilalang lalaki.

Ang naglalaro sa isip, hindi lang ang pinsang si Edward ang nagpapatotoo na pinagtataksilan siya ng asawa.

Pati na ang lalaking iyon na hindi niya kilala.

Tinamad na tuloy siyang magluto.

Makalipas ang ilang minuto, pumasok na sa kusina ang nagising na si Tina.

Nagulat ang babae sa nakitang ayos ng babae.

“Sinimulan mong magluto pero hindi mo naman tinapos. Ano ba ang nangyari at parang bigla kang nalungkot?” takang tanong ni Tina.

“M-May tumawag sa akin mula sa Taipei. Isang lalaki at tiniyak niya sa akin na pinagtataksilan ako ni Sally,” basag ang tinig na sagot ni Jude.

“S-Sino?” nakamaang na tanong ng babae.

“Hindi siya nagpakilala!” sagot ng lalaki na malungkot na nakatungo.

“Ano’ng numero ng caller?” tanong ni Tina.

Sa halip na sumagot, iniabot ni Jude sa babae ang cellphone.

Tiningnan ng babae ang numero ng tumawag sa received calls …

Nanlaki ang mga mata ni Tina sa nabasa …

Pamilyar sa kanya ang numerong iyon …

Number ng cellphone ni Jason …

Ibig sabihin, siya ang hindi nagpakilalang caller na tumawag kay Jude.

Talagang pinangangatawan na niya ang pagsira sa relasyon ng mag-asawa para masigurong mapupunta sa kanya si Sally.

“Kilala mo ba ang tumawag?” tanong ni Jude kay Tina.

Mabilis na nagkaila ang babae.

“Ngayon ko lang nakita ang number na ito. Hindi ko siya kilala,” sagot niya.

Matapos ibalik ang cellphone kay Jude, si Tina na ang nagpatuloy sa pagluluto ng lalaki.

Tahimik namang nag-iisip ang lalaki. Masama ang kanyang loob.

Ang naglalaro sa isipan niya, panahon na para komprontahin ang asawa.

Hindi na niya puwedeng balewalain ang natanggap na mga impormasyon.

Sabi nga sa kasabihan, “Pag may usok, may apoy!”  Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply