KAPRITSO NG LAMAN (Ika-90 na labas)

“A-ANO ba ang pinagsasabi mo? Bakit ko naman tatawagan ang asawa mo? What for?” tanggi ni Jason sa tanong ni Sally.

Umismid ang babae.

“Hindi ka puwedeng magkaila. Kausap ko kanina si Jude. Tinawagan niya ako para kumpirmahin kung sino ang lalaki na tumawag sa kanya para siraan ako. At ipinadala niya sa akin ang numero ng caller…”

Biglang napaawang ang bibig ni Jason …

Kasunod nito ang pagtakas ng kulay ng kanyang mukha.

“Numero mo iyon, Jason. Ibig sabihin, ikaw ang tumawag kay Jude para sabihing naglalaro ako ng apoy dito sa Taipei,” galit na patuloy naman ni Sally.

Mahabang sandaling hindi nakapagsalita ang binata ..

Anyong nag-aapuhap ng sasabihin …

Basag ang tinig ni Jason nang magsalita …

“I’m sorry kung nagawa ko iyon. Gusto ko lang matapos na ang relasyon ninyo ni Jude.

Sa ganun din naman iyon mapupunta, hindi ba? Pare-pareho lang tayong nahihirapan kaya gusto kong matapos na ang paghihirap natin,” aniya.

Hindi kumibo si Sally …

Deep inside, hindi niya matanggap ang dahilan ng binata.

Hindi niya gusto na pinangunahan siya nito.

“Patawarin mo ako, Sally. Mahal na mahal kita at ayokong mawala ka sa akin kaya nagawa ko iyon,” madamdaming baling ni Jason sa kasuyo.

Hindi siya tiningnan nito.

Nasa malayo ang tingin.

Anyong mabigat ang loob.

Hindi na naman nagsalita si Jason …

Hinarap na lang ang pagmamaneho …

Hanggang sa makarating sila sa Taipei 101 na pinapasukan ni Sally.

Basta na lang bumaba ang babae …

Ni hindi tiningnan ang lalaki …

Naiwang nagugulumihanan si Jason …

Dati bago bumaba sa kotse si Sally, nag-iiwan ng halik sa kanyang pisngi.

Bigla siyang nanibago …

Iniwan kasi siya nang walang paalam ng babae …

Napapailing na ipinagpatuloy na niya ang pagmamaneho patungo sa pinapasukan.

Bumuo siya ng plano …

Sa labas sila magdi-dinner ni Sally paglabas nila sa pinapasukan.

Susuyuin niya ang babae…

Kailangang bumalik ang maganda nilang bonding …

Kaya nang dumating sa pinapasukan, kaagad na inatupag ni Jason ang kanyang trabaho.

Gusto niyang makatapos kaagad para masundo niya nang maaga si Sally sa pinapasukang jewelry store.

Naging kapuna-puna naman sa mga kasamahan sa trabaho ang pagiging tahimik ng babae.

Ngumingiti lang siya at nagsasalita kapag may pumapasok na kostumer.

Pero kapag wala, muli siyang nananahimik na para bang sa bigat ng dalang problema, parang pasan niya ang daigdig.

Pinuna tuloy siya ng kasamahan sa trabaho na si Lynda.

“Hindi ka naman dating ganyan. May problema ka ba?” tanong ng una.

Kapwa Filipina, naging shoulder to cry on ni Sally si Linda.

Napatango-tango na lang ang huli matapos ang maluha-luhang pagkukuwento ng kababayan.

Hapon. Nag-undertime na si Jason …

Tapos na kasi ang kanyang trabaho kaya hindi na hinintay ang oras ng uwian.

Gusto niyang makarating kaagad sa pinapasukan ni Sally.

Hihintayin niya sa paglabas ang kasuyo at aayain ito na sa labas na lang sila mag-dinner.

Galit sa kanya ang babae at gusto niyang umareglo sa naging sama ng loob nito sa kanya.

Pero nagulat siya pagdating sa jewelry store na pinapasukan ni Sally.

Nakaalis na raw ang babae …

Maaga raw itong umuwi…

Nag-undertime din tulad niya.

Dahil sa nalaman, hangos na nagbiyahe pauwi si Jason.

Sa bahay na lang niya kakausapin at aamuin ang kasuyo. Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply