Kasabwat ng Singaporean human trafficker hinahanap na

TINUTUGIS na ng pamahalaan ang mga naging kasabwat ng Singaporean national na hinatulan ng anim na taong pagkakakulong sa Malaysia dahil sa kasong human trafficking ng overseas Filipino workers (OFWs).

Pinalakpakan din nina Vice President Jejomar Binay at ng Blas Ople Policy Center sina OFWs Marivic Capistrano at Marilou Bagsit dahil sa kanilang pagsusumikap na ituloy ang kaso upang mahatulan ng paglabag sa anti-trafficking act ng Kuala Lumpur si Lim Beng Huat, alyas ‘Alfred Lim,’ Singaporean national.

Nanawagan din sina Capistrano at Bagsit sa iba pang naging biktima ni Lim na lumantad na at tumulong sa pamahalaan upang matigil na ang pagpupuslit ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Kabilang sa mga sinasabing naging kasabwat ni Lim ay ang mga immigration officer sa Diosdado Macapagal International Airport (DMIA) na umalalay sa grupo nina Capistrano at Bagsit upang makalabas ng Pilipinas patungong Malaysia.

Ayon naman kay Susan Ople, hepe ng Center, maituturing na ‘landmark case’ ang asunto laban kay Lim dahil mahigit sa 100 kababaihan ang pinagsamantalahan ng dayuhan.

Aniya, ipinakita ng mga magigiting na OFWs ang kanilang determinasyon na isulong ang kaso sa kabila na maimpluwensiya at makapangyarihan ang illegal recruiter at human trafficker.

Sina Capistrano at Bagsit ay hiwalay na kinalap upang magtrabaho bilang domestic worker sa Malaysia noong 2008. Pinangakuan ang mga ito ng magandang trabaho at pagkakataon na lumipat ng ibang employer sakaling hindi nila magustuhan ang trato sa kanila ng mga magiging amo.

Gayunpaman, kabaliktaran ang sinapit ng mga OFW sa kamay ni Lim kaya tumakas ang mga ito at nagsumbong sa embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur.

Sa kanilang pag-alis sa Pilipinas, pinagsuot ang mga OFW ng isang puting t-shirt at nilagyan ng letrang ‘A’ ang likod ng kanilang pasaporte bilang palatandaan na sila ang grupong hawak ni Lim.

Pagdating sa isang parking lot na halos tapat lamang ng paliparan, nakilala nila si immigration officer Racel Ong na nagsabi sa kanila na tandaan ng mga OFW ang kanyang mukha at sa kanya pipila upang matatakan ang kanilang pasaporte.

Si Ong ang nagsilbing alalay ng grupo ni Lim para makalabas ang mga OFW ng Pilipinas.

Si Ong din ang tumayong ‘state witness’ laban sa 18 kasamahan nito upang makasuhan sa Department of Justice.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply