Katarungan laban sa bigtime carjacker

SA wakas, nahatulan ding guilty si Raymond Dominguez na kinasuhan sa carnapping.

Kaugnay ito ng isang Toyota Fortuner na ninakaw ng gang ni Dominguez sa lalawigan ng Bulacan.

Aapela si Dominguez at patutunayan nito ang umano’y pagiging inosente nito sa krimen.

Pero dahil nahatulan na ito, gaya ng ginagawa sa mga inihahayag na guilty ng mga hukuman, kasunod na nito ang pagpapabiyahe sa kanya sa Munti.

HINDI PA TAPOS ANG LABAN

Tama ang sinabi ng kampo ni Dominguez na hindi pa tapos ang laban.

Hangga’t wala pang pinal na hatol ang Korte Suprema o KS, hindi pa maituturing na sarado ang kaso.

Anong malay nga natin kung babaligtarin ng KS ang hatol ng Mababang Hukuman sa mga darating na araw?

Kilala naman kasi ang KS sa pabali-baligtad o pasirko-sirko nitong desisyon.

Isa sa pinakahuling pagsirko-sirko nito ang mga desisyon nito sa maraming munisipyo na gustong maging lungsod.

Apat na beses yatang pumabor at hindi pumabor ang KS dito hanggang sa magalit ang mga mayor sa mga Hukom.

PAGLAYA SA BILIBID

Kalayaan ang gusto ng sinomang bilanggo.

Kaya naman gagawa at gagawa ang bilanggo ng mga paraan para siya’y makalaya.

Maaaring piliin niya ang ligal na paraan gaya ng pag-apela sa kanyang kaso o iligal gaya ng pagpuga.

Siyempre matagal ang ligal na paraan.

Taon ang bibilangin.

Sa iligal, mabilis na gawin.

Pupuwede niyang samantalahin ang kaluwagan ng mga awtoridad sa paligid.

Maaari niyang tularan ang pinaggagawa ng ilang maiimpluwensyang bilanggo na nakauuwi at nakapagliliwaliw.

At sa pagkakataong ito, pupuwede na siyang tumakas nang tuluyan hanggang maging wanted siya.

MINIMUM NA SENTENSYA

Kung magtitiyaga-tiyaga naman siya, mayroon siyang malalaga.

Halimbawa ang hatol sa kanya na pagkakabilanggo ng 17 taon na minimum at 30 taon na maximum.

Kapag natapos niya ang kanyang 17 na serbisyo sa loob ng kulungan, maaaring mag-aplay siya ng kalayaan.

Pero dumaraan ang bilanggo sa masusing pag-aaral ng mga awtoridad hanggang sa Department of Justice.

Dapat makitaan siya ng pagbabago at hindi babalik muli sa pagiging kriminal.

Kung magpapakabait at magbabago siya sa lahat ng panahon sa kanyang minimum na sentensya, posible pa ngang mabawasan pa ang 17 taong minimum dahil binibigyan ng reward ang mga nagbabago.

Taon at buwan ang iminemenos sa panahon ng pagkakabilanggo ng convict.

EXECUTIVE CLEMENCY

Pinakamabilis na pabor kay Dominguez ang executive clemency o Presidential pardon mula sa Pangulo.

Anomang araw iginagawad ito sa sinomang bilanggo.

Pero andiyan pa rin ang masusing pag-aaral at rekomendasyon ng awtoridad sa Bilibid at rekomendasyon ng Department of Justice at Board of Pardon and Parole.

Kung hindi kakikitaan si Dominguez ng pagbabago, kabilang na ang gawain at kaisipan sa bilangguan, nungka na mabigyan siya ng kapatawaran.

Hindi naman siya makapangyarihang politiko na pupuwedeng gawaran ng politiko sa Malakanyang ng kapatawaran.

ALA-VIZCONDE MASSACRE

Sa kanyang pag-apela, maaaring umasa na si Dominguez ng matagal na laban gaya ng naganap sa Vizconde massacre.

Inabot ang kasong massacre ng nasa 20 taon, kabilang ang pagtatangka na muling buksan ito.

Dito na siguro magaganap ang walang labis, walang kulang na pagpapatupad ng sentensya na 17 taon hanggang 30 taong pagkabilanggo.

KASONG VENSON EVANGELISTA

Pero ‘di ba may iba pang kaso itong si Dominguez?

Kabilang dito ang pagpatay kay Venson Evangelista na may kasamang karnaping.

Paano kung mag-abot-abot ang hatol dito sakaling ideklara siyang guilty?

Eh ibang pagkakabilanggo uli ito.

Ang mga ibang kaso, paano rin?

Ang tanong ngayon ay ilang taon ba talaga ang bubunuin ng preso sa bilangguan?

May nagsasabi na kahit ilan ang iyong kaso, hanggang 40 taon lang ang maximum na pagkakabilanggo.

Applicable ba ito sa katulad ni Dominguez sakaling mahatulan siyang guilty sa iba pa niyang mga kaso?

CONGRATS SA PISKAL AT HUWES

Babae ang piskal na umusig kay Dominguez, si Prosecutor Maureen Abad Moises.

May yagbols itong piskal na ito at mas matinik at matapang pa sa ibang kalalakihang piskal.

Itong si Judge Wilfredo Nieves naman ay hindi nagpasindak sa kanyang desisyon na ideklarang guilty si Dominguez.

Aba kailangan ang ganitong mga piskal at huwes.

Balewala sa kanila ang granada. ‘Yun bang===ibinato sa loob ng kulungan ng isang witness laban kay Dominguez sa loob mismo ng provincial jail.

TIWALA AT KAPAYAPAAN

Kung mananatili ang katarungang ipinakita nina piskal Abad-Moises at Nieves, babalik at babalik ang kumpiyansa ng taumbayan sa hukuman at sa pamahalaan na rin.

Kaya saludo tayo sa dalawang opisyal ng katarungan.

oOo
Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply