Kawawang Philpost

TALAGANG hindi tinitigilan ng kontrobersiya ang bagong pamunuan ng Philippine Postal Corporation (Philpost) sa pangunguna ni Post Master General Josie dela Cruz.

At lumalabas pa na ang nagbibibigay ng sakit ng ulo nila ay ang mga dating empleyado na sinibak na nang dating pamunuan dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang anomalya.

Malas nga lang ng bagong pamunuan ni Dela Cruz dahil sila ngayon ang binabalikan ng ilang dating empleyadong ito na naging misyon na yata sa buhay ay makitang nakalugmok at nalulugi ang kompanya.

Lahat ng mga hakbang na naglalayong magkaroon ng pag-unlad sa serbisyo ay pilit na hinaharang ng mga dating empleyadong ito gaya halimbawa nang nauna nang plano na rationalization at paglipat sa mas maayos at modernong tanggapan.

Ang mga planong nabanggit ay tanggap naman ng majority ng mga kawani at lahat ay dumaan sa tamang proseso at may approval pa maging ni Pangulong Noynoy Aquino ngunit hindi pa rin nakaligtas ang mga opisyal at inulan pa rin sila ng batikos mula sa kanilang mga kritiko.

Kaya naman hindi na nakapagtataka kung maging ang huling initiative na kung saan ay nakipag-tie up ang Philpost sa PLDT at isa pang kompanya para sa supply ng mga computer ay ginawan pa rin ng isyu ng mga kalaban nila.

Tatlong complaint na kinabibilangan ng falsification of public documents, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at grave misconduct, dishonesty, grave abuse of authority at conduct prejudicial to the best interest of the public ang nakahain ngayon laban sa kanila sa Office of the Ombudsman.

Hindi ko naman kinukuwestiyon ang karapatan ng mga complainant na magsampa ng kaso.

Pero lumalabas na isinampa ang kaso hindi dahil gusto nilang bigyang proteksyon ang interes ng kompanya kundi gusto nilang isulong ang kanilang sariling adyenda, at iyon ay ang guluhin ang pamunuan ni Dela Cruz.

Sa mga hindi pa nakaaalam, ang isa sa mga GOCCs na pinakakawawa ang sitwasyon ay ang Philpost sapagkat hanggang ngayon ay wala pa rin silang sapat na bilang ng computer na kailangan sa kanilang trabaho at maging ng sariling internet connection.

At ngayon nga na gumagawa nang paraan ang grupo nina Dela Cruz na makasabay sa kanilang mga karibal gamit ang teknolohiya ay pilit naman silang pinipigilan ng ilang tao na mukhang walang ibang hangad kundi makitang malugi at magsara nang tuluyan ang kompanya.

At pag nangyari iyon, mas maraming matitinong empleyado ng Philpost ang magdurusa kasama ang pamilya nila habang iilang sumabotahe sa kompanya ang magsasaya.

Tsk,tsk! Kawawang Philpost! Matapos gawing gatasan ng ilang dating tiwaling opisyales ngayon naman ay pilit na ibinabagsak ng ilang dating nasipang empleyado.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply