Kelan kikilos ang LTFRB AT DOTC?

ILAN sa mga kaugaliang kinagisnan ng Filipino mula sa ating ang mga ninuno ang ipinagmamalaki natin na hinahangaan naman ng mga dayuhan. Ngunit sa ngayon, unti-unti nang nawawala at hindi pinahahalagahan ang mga katangiang katulad ng pagiging madamayin, magalang at mapagbigay.

Noong Sabado ng gabi, lulan ng Don Mariano Bus Transit ang inyong lingkod mula Novaliches patungo sa SM North Edsa nang sumakay sa nasabing sasakyan ang isang grupo ng senior citizens na kapapanood lang ng “Will Time, Bigtime” ni Willie Revillame at pauwi na sa kani-kanilang bahay.

Ilang pasaherong lalaki na pawang nakaupo ang tiningnan lang ang grupo ng mga matatandang babae na nakatayo sa bus at hirap humawak upang huwag mabuwal.

Kulang na lang ay magtulug-tulugan ang mga lalaking ito habang tuloy-tuloy lang sa paniningil ng bayad ng mga pasahero ang konduktor ng bus.

Sa inis ko, ako ang tumayo at nagparaya sa isa sa mga matatanda. Ang masakit, tiningnan lang ako ng katabi kong lalaki na tila sinasabing “magpakabayani kang mag-isa.” Naningkit tuloy ang mata ko at hindi na ako nakatiis at sinabihan ang mga lalaking nakaupo na dapat ay makaunawa sila na ang inuupuan nila ay pawang para sa mga may kapansanan.

At ang sticker o signage na nakalagay sa bintana ng bus ay nangangahulugan na ang upuan ay para rin sa mga matatanda, buntis at may kasamang bata.

Mabuti na lang at napahiya ang mga nakaupong lalaki at pinagbigyan ang mga lola na makaupo. Nadamay rin sa asar ko ang konduktor kaya sinermunan ko na huwag puro pagpapasakay at paniningil ang inaasikaso.

Hindi lang naman sa mga pampasaherong bus nangyayari ito dahil maging sa Light Railways Transit at Metro Rail Transit ay pawang hindi na ikinukonsidera ang edad ng mga pasahero. Makikita na pawang nakaupo ang mga lalaki at ang mga babae ang nakatayo at nababangga-bangga ang katawan.

Maaaring hindi binibigyang pan-sin ito ng mga opisyal ng Department of Transportation and Communication at Land Transportation Franchising and Regulatory Board dahil pawang hindi nila nararanasang sumakay sa mga pampasaherong sasakyan dahil may sari-sarili silang sasakyan. Maging ang kanilang mga kamag-anak ay hindi rin dumaranas ng hirap sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan kaya’t walang pakialam ang mga ito sa sinasapit ng masang Filipino.

Sana naman ay magising na ang mga opisyal na ito na magserbisyo publiko naman sila na ang makikinabang ay ang mahihirap na mamamayan at hindi puro pabor sa mga mamumuhunan. Tandaan sana nila na ang mundo ay bilog at puwedeng mangyari at sapitin nila ang kalagayan ngayon ng mga pasahero na hindi nabibigyang atensyon ng pamunuan ng bagong administrasyon.

Noong Lunes, napasyal ang inyong lingkod sa National Police Commission sa Makati City dahil may nangailangan ng tulong kaya nagtungo kami sa Information Division ng Napolcom. Laking pasasalamat ko sa pamunuan ng na-sabing tanggapan dahil bukod sa tulong ay may kasama pang mer-yenda. Salamat po sa hepe nilang si Mam Myrna, at higit sa lahat, malaking pasalamat din kay Ate Quite, Ate Remy at iba pa nilang kasamahan na talagang lubusan ang page-estima sa mga bisita nila.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply