Kontra sa RH Bill sa Senado dumarami

HINDI maikakaila na dumadami ang mambabatas na sumasalungat sa panukala nina Senador Miriam Defensor-Santiago at Pia Cayetano na Reproductive Health Bill dahil wala pang nakapagpapatunay na nagiging ugat ng kahirapan ang paglobo ng populasyon.

Sa panayam ngayong araw, sinabi ni Sen. Gregorio Honasan na hindi kailangan pang maisabatas ang RH Bill na isinusulong nina Santiago at Cayetano sa kabila ng paglobo ng populasyon ng Pilipinas sa 92.3 milyon nitong 2010.

Ayon kay Honasan, wala pang katunayan na ang malaking populasyon ng isang bansa ay nagiging ugat din ng problema ng kahirapan at hadlang sa pag-asenso ng bansa.

“Magdahan-dahan at ingat tayo sa RH Bill dahil hindi pa kumpirmado na ang populasyon ang ugat ng kahirapan,” paliwanag ni Honasan.

Binanggit ng senador ang bansang Japan at Singapore gayundin ang Hong Kong Administrative Region na kahit may malaking populasyon ay naging maunlad.

Umaasa naman si Honasan na uunlad pa rin ang Pilipinas kung magkakaroon ng “productivity, pagmamahal sa bayan at sa kapwa Pinoy, pagkakaisa at bawas negatibong pamumulitika at disiplina.”

Sa datos na pinalabas ng National Statistics Office (NSO), pumalo na sa 92,337,852 ang populasyon ng Pilipinas noong 2010, base sa isinagawa nilang census of population and housing noong Mayo hanggang Hunyo 2010.

Lumalabas na nadagdagan ng 15.83 milyon ang populasyon ng bansa sa loob lamang ng sampung taon dahil noong taong 2000 ay 76.51 milyon lamang ang populasyon ng bansa.

Ang RH Bill ay parehong nakabinbin sa plenaryo ng Senado at Kamara kung saan ang mga proponent nito ay mayroon pang isang taon para itulak ang pagpapatibay nito bago matapos ang 15th Congress. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply