Krisis sa kuryente aabot sa Luzon – Angara

NAGBABALA si Senador Edgardo Angara na posibleng ang Luzon naman ang susunod na babalutin ng dilim dahil sa brownout.

Ayon kay Angara, kung patuloy na ipagsasawalang-bahala ng pamahalaan ang nangyayaring krisis sa kuryente sa Mindanao, sa susunod na dalawang taon ay magaganap naman ito sa Luzon.

Binigyang diin ng senador na maaari lamang itong mapigilan kung ipatutupad ng gobyerno ang batas sa renewable energy na noon pang 2008 pinagtibay para sa pagtatayo ng mga hydro at solar plants kapalit ng mga planta na krudo ang ginagamit.

Dismayado si Angara dahil makalipas ang apat na taon ay nakatambak lamang ang batas dahil ayaw linawin ng Department of Finance noong Arroyo administration kung magkano ang dapat kitain ng mga dayuhang investor sa pagtatayo ng mga naturang planta.

Dahil dito, nangangamba ang senador na kung hindi agad maresolba ang krisis sa kuryente sa Mindanao na ngayon ay anim hanggang walong oras ang brownout bawat araw ay maaari itong gatungan ng mga rebeldeng grupo upang maghasik ng gulo.

Una rito, iminungkahi ni Senador Francis Escudero ang maaaring solusyon sa krisis sa Mindanao ang paggamit ng generator sets.

Ipinaliwanag ni Escudero na kung susumahin ay malaki ang magiging kontribusyon ng mga may generation sets gaya ng mga mall dahil sa halip na umasa ang mga ito sa mga power plant ay maaari nilang paganahin ang mga ito at mag-produce ng sarili nilang kuryente.

Bilang kapalit, bibigyan ng gobyerno ang mga naturang establishment ng rebate o ibabalik ang nawala nilang kita sa pagpapaandar sa kanilang generator set.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply