Labor leaders pupulungin ni PNoy bukas

MAKIKIPAGPULONG si Pangulong Benigno Aquino III sa mga labor leaders bukas, Mayo 1.

Sinabi ng Chief Executive na posibleng pag-usapan ang isyu ng P125 legislated wage increase ng mga manggagawa na itinutulak ng mga labor groups subalit hindi ito maipagkakaloob ngayong buwang kasalukuyan.

Aniya, may kapangyarihan ang pamahalaan sa ilalim ng Salary Standardization Law 3 (SSL3) na mag-implementa ng tinatawag na “fourth tranche” ng umento sa sahod ng empleyado ng gobyerno.

Ang fourth tranche ng salary increase ay nakatakdang ipalabas sa Hulyo subalit gumagawa ng paraan ang pamahalaan na ibigay ang fourth tranche ng umento sa sahod ng mga manggagawa sa pagpasok ng buwan ng Hunyo.

“Ang question na lang dito is kung kakayanin ba i-advance yung next tranche, which the fourth tranche of the increase, so makukumpleto na po ang SSL 3?” ang naging pahayag ng Punong Ehekutibo.

Noong nakaraang taon ay ipinag-utos ni Pangulong Aquino ang maagang pagpapalabas ng third tranche ng salary increase para sa mga government workers.

Sa ulat, sinabi naman Labor Secretary Rosalinda Baldoz na kailangang palagpasin ng mga manggagawa sa Metro Manila ang one-year ban sa pagpapatupad ng wage increase bago muling makatikim ng umento sa sahod.

Ayon sa Kalihim, huling nagkaroon ng dagdag-sahod sa National Capital Region noong Mayo 26, 2011.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng kalihim na sisimulan nang maaga ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board ang public consultations para mapabilis ang gagawing pag-aaral sa nakabinbing wage hike petitions.

Hinikayat din ng opisyal ang publiko na makiisa sa gaganaping jobs fair ng gobyerno ngayon, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.

Una ng inihayag ng kalihim na mahigit 100,000 trabaho ang naghihintay sa 44 job fair venues sa buong bansa.

Bukod sa jobs fair, tutulong din umano ang ilang government agencies sa pagbibigay sa mga aplikante ng mga clearance documents, katulad ng police at NBI clearance, birth at marriage certificates at income tax documents.

“The employment facilitation services, such as application support documents, are essential to getting a job,” ayon sa kalihim.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply