Lahat ng pro sa plantang nukleyar sa planta ititira

NAGKAKAGULO ang ilan nating pulitiko ukol sa krisis sa kuryente.

Pinagkakaguluhan nila ang panukalang pagtatayo ng mga plantang nukleyar para sa tiyak na matagalan at mura umanong kuryente.

Tinitirador ang panukala ng iba sa pagsasabing delikado ito gaya ng nangyari sa Chernobyl, Ukraine at Fukushima, Japan kamakailan lang.

Nakatatakot naman kasing isipin na sa pagsabog ng plantang nukleyar sa Chernobyl, tinatayang nasa 60,000 ang namatay at umaabot sa 90,000 ang unti-unting namamatay sa kanser at iba pang sakit makaraan.

Isipin pang 700,000 katao ang direktang kasali sa paglilinis sa duming naiwan ng planta at lahat ng bansa sa Europa ay naulanan ng lason.

Marami rin ang namatay sa Japan at may mga Pinoy pa ngang ginagalis ngayon dahil sa radiation nang sumabog ang plantang nukleyar sa Fukushima, Japan.

oOo

Dapat na sasali tayo, Suki, sa usapan.

Una, ayaw nating maulit na pagkakaperahan lang ang plantang nukleyar ng mga kurakot.

Noong itinayo ang Bataan nuclear plant, may nangomisyon ng $30 milyon.

Pero umabot sa mahigit $2 bilyon ang binayaran ni Juan dahil inutang ang $600M na ipinambili nito sa World Bank at International Monetary Fund.

Ikalawa, kung magpapatayo ang gobyerno ng plantang nukleyar, gaano katiyak ang kaligtasan ng lahat ng nasa loob ng bansa at ang lahi ni Juan?

Paano ang karanasan sa mga trahedya sa Chernobyl at Fukushima?

Magkaroon ka nga ng kuryente, mawawaypawt naman ang lahi mo kung sasabog ang planta.

oOo

May panukala nga pala tayo: ipagtayo natin ng bahay at patirahin sa kompawnd ng plantang nukleyar ang lahat ng opisyal ng gobyerno na pabor sa plantang nukleyar at ilayo si Juan sa lugar. Dito, oki na tayo!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply