Langaw na natuntong lang sa kalabaw

marinig noon sa mga matatanda ang kasabihang “langaw na natuntong sa kalabaw ay mas matayog pa sa kalabaw” kapag nasasaksihan nila na nagyayabang ang isang tao na may ipinagmamalaki o sinasandalang padrino.

Matagal ko ring hindi narinig ang kasabihang ito. Subalit kamakalawa nang makausap ko ang isang source nang dumalaw ako sa Maynila ay muli na namang tumulig sa aking pares ng tainga ang kasabihang nagagamit lang kapag naiinis sa taong pinatutungkulan ang nagkukuwento o nagsasabi.

Bago pa man narinig ang maaanghang na salita mula sa nagbigay ng impormasyon, nakatsikahan ng inyong lingkod ang ilang mediamen ng Manila Police District at hindi maikakailang gusto nila ang hepe ng Manila Police District na si Chief Supt. Alex Gutierrez.

Marami, anilang proyekto si Gutierrez sa kanyang nasasakupan bukod pa sa maayos niyang naisasakatuparan ang kanyang tungkulin bilang director ng MPD. Kapwa walang reklamo ang pulis at maging mga sibilyan. Sa madaling salita, kapwa kayang pakibagayan ni Gutierrez ang pulis at mamamayan.

Kaya naman, humanga tayo sa pagpapatupad ng batas hindi lang kay Manila Mayor Alfredo Lim kundi maging sa kanyang hepe ng pulis na si Gutierrez. Lamang, nang marinig ko na ginagamit ng isang grupo ng mga pulis ang pangalan ni Gutierrez sa pangongolekta ng lingguhang parating mula sa mga club na front ng prostitution, gambling lords na may pa-jueteng, lotteng at iba pang mga sugalan, kasama na ang ilang money changer na nandaraya sa mga nagpapapalit ng foreign currency sa Maynila, tila nabahiran ng pagdududa ang aking paniniwala.

Ipinagmamalaki kasi nina PO3 Jerry Villaluz, SPO1 Luisito Maninang, PO2 Eric de Guzman at PO1 Raul Dagang, pawang nakatalaga sa MPD-District Special Project Unit (DSPU) na bata sila ni Gutierrez at ang perang kinukolekta nila ay para sa kanilang boss.

Kaya naman napilitan akong kumuha ng ilang impormasyon tungkol sa mga pulis na ito at dahil sa natuklasan ko, tila parang hindi naman totoo na bata ang mga ito ni Dee-dee Gute. Bakit? Kasi naman hindi naman nagpapakita ang mga ito sa opisina ng mamang ginagamit at dinudumihan nila ang pangalan. Madalas ang mga ito sa I Miss You KTV na pag-aari ni Villaluz. Doon sila nag-iipon-ipon at doon nila binibiyak-biyak ang kanilang kita.

Kung totoo mang bata ni Gen. Gutierrez ang mga taong ito, lalo na si Villaluz, tiyak na puro bukol ang inaabot ng opisyal. Sa pagkukumpara, ang sasakyan ng district director ng MPD ay Honda CRV samantalang ang sasakyan ni Villaluz ay Mitsubishi Pajero. Sa mags pa lang ng sasakyang itim ng police officer na ito ay talbog na ang sasakyan ng kanyang amo. Madalas pa na papalit-palit ito ng sasakyan.

Dapat siguro na mapasama itong si Villaluz at mga kasama niya sa i-lifestyle check ng Philippine National Police. Dapat din na imbestigahan ang mga ito ng Bureau of Internal Revenue upang matukoy kung ano ang negosyo ng mga ito at kung bakit sila naging mas mayaman pa sa kanilang amo.

Naku, Gen. Gutierrez, mabangong-mabango ang pangalan mo sa mga mamamahayag at isa ka sa tinitingala riyan sa Maynila pero narurumihan at nagkakaroon ng bahid ng pag-aalinlangan dahil sa mga pulis na ito na walang ginawa kundi ang mag-ikot at mangolekta sa mga club, sugalan at money changer.

Makabubuting alisin na ang mga iyan sa Maynila at ipatapon sa kangkungan upang hindi na magamit ang iyong pangalan bukod pa sa baka pamarisan.

***

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

Langaw na natuntong lang sa kalabaw
loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply