‘Liwanag’ na sinasabi ni PNoy sa kanyang Easter message kinontra

HINAHANAP ng isang obispo ang umano’y liwanag na ipinagmamalaki ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa kanyang Easter message nitong Abril 8.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo at chairman ng CBCP-NASSA, hindi pa niya nakikita ang liwanag na ipinangangalandakan ng Pangulo dahil wala pang improvement ang bansa mula nang mailuklok siya sa Malakanyang.

Anang obispo, laganap pa rin ang katiwalian sa bansa at marami pa ring nagugutom, mga magsasakang walang lupa, marami pa rin ang extra-judicial killings at mga krimen na nagaganap sa bansa.

Maging ang power crisis sa Minadanao ay hindi pa rin nareresolba ni Pangulong Aquino, gayundin ang pagtaas ng mga bilihin at hindi mapigilang oil price hike.

“Ewan ko lang kung anong liwanag ang tinutukoy niya kasi wala pa naman tayong nakikita na improvement,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas

Ikinadismaya rin ng obispo ang pagkalimot ni Pangulong Aquino sa kanyang pangako sa taumbaya at kailangan pang mag-martsa o magprotesta ang mga tao para gisingin ang kanyang kamalayan at ipaalala sa kanya ang dapat niyang gawin.

Ipinagmalaki ni Pangulong Aquino sa kanyang Easter message na naiahon na niya sa kadiliman ang Pilipinas at nakapagbigay na ng pag-asa sa sambayanang Filipino ang kanyang pamahalaan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply