LPG pilferage matagal na

KAMAKAILAN ay inanunsyo ni LPGMA Partylist Cong. Arnel Ty ang pagkakadiskubre ng kanyang grupo ng isang sindikato na nag-nanakaw ng Liquified Petroleum Gas.

Sa tulong, aniya, ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay nasampahan ng kasong pilferage ang mga bumubuo ng sindikato.

At ayon pa sa kongresista, ang syndicate leader ay anak ng isang Vice Mayor ng lalawigan ng Bulacan at protektado umano ito ng awtoridad.

Tila, nahuhuli sa impormasyon si Cong. Ty dahil ang LPG pilferage ay dekada nang ginagawa sa iba’t ibang probinsya, partikular ang Bataan at Batangas.

Katunayan, ang sinasabi ng kongresista na lider ng sindikato na anak ng isang Bise Alkade ay pangatlong tagapagmana na lang sa negosyong LPG pilferage.

Nauna ang kanyang lolo na kilalang lider ng LPG pilferage group mula pa noong 1980’s.

Ang kanilang iligal na negosyo ay kilala sa tawag na ‘patulo’ o ‘paihi’.

Tinawag na ‘patulo’ o ‘paihi’ dahil ang laman ng LPG tanker ay binabawasan nila (sindikato) sa pamamagitan ng pagsipsip at pagpapatulo.

Ang illegal LPG business ni lolo ay minana naman ni Vice Mayor at pagkatapos ipinamana sa anak na siyang binabanggit ni Cong. Ty na kinasuhan na ng CIDG.

Ngunit huli man sa impormasyon ang LPGMA partylist representative, at least ngayo’y alam na nila na matindi pala ang nangyayaring nakawan sa LPG.

Ngayon ngang nakasuhan na ang grupo ng anak ni Vice Mayor, baka sakaling matakot na ang iba pang grupo na nasa likod ng LPG pilferage.

Dangan kasi, sa ginagawang LPG pilferage,  ang taumbayan ang talo dahil sila’y nadadaya sa tamang timbang ng kanilang binibiling LPG tank bukod pa sa mataas na presyo ng mga ito.

Suhestiyon natin, pasilip din ni Cong. Ty kay CIDG Chief Dir. Sammy Pagdilao, Jr. ang ‘involvement’ ng kapulisan sa LPG pilferage.

Dahil ayon sa ating impormasyon, ilang alagad ng batas ay kasama sa sindikato dahil sila ang nagsisilbing protector ng operasyon ng ‘patulo’ at ‘paihi’ gangs.

Well-organized ang ‘patulo’ at ‘paihi’ gangs dahil bukod sa awtoridad na naka’in’ sa sindikato, kasama rin umano ang drivers at helpers ng LPG delivery tankers.

Kaya ang suhestiyon pa rin natin kay Cong. Ty, sana’y maging alerto at makatotohanan ang pakikipaglaban ng LPGMA sa mga tarantadong LPG syndicate.

Dahil kapag nalingat si Cong. Ty at ang kanyang grupo, tiyak titira ang mga kawatan na yan at babalik sa kanilang pagnanakaw ng LPG.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply