LTO, PNP kilos vs riding in tandem

MALASAKIT sa kapwa ang isa sa mga magagandang katangian ng Filipino na hindi dapat mawala at sa halip ay payabungin pa. Sa ngayon, marami sa ating kababayan ang wala nang pakialam sa kanyang kapwa at ang nais na lang ay sariling kapakinabangan.

Maaring hindi pa natin nakikita sa ngayon ang resulta o magandang dulot ng kaugaliang pagmamalasakit sa kapwa subalit darating din ito. Kung hindi man sa atin ay puwedeng sa mga anak natin o kaya naman ay iba ang taong mahalaga sa buhay natin.

Ang ugaling ito ang nagtulak sa isang concerned citizen upang ipaabot sa Pakurot ang kanyang layunin na marinig ng Land Transportation Office at Philippine National Police (PNP) ang kanyang suhestiyon upang mabawasan kung hindi mang ganap na matigil ang iba’t ibang krimen gamit ang motorsiklo.

Ayon sa text message ng taong ito na malaki ang pagpapahalaga sa kaligtasan ng kanyang kapwa, isa siya sa mga taong pumapasok sa trabaho gamit ang sasakyang motorsiklo upang makatipid sa malaking gastos sa gasolina ng sasakyang apat ang gulong o di naman kaya ay mabigat na halaga ng pamasahe.

Aniya, napuna niya na ang mga motorsiklong may nakalagay na plakang “for registration” ay madalas na hindi sinisita ng mga traffic police at maging ng Highway Patrol Group. Dedma rin umano ang LTO sa katotohanang lumang-luma na ang motorsiklo ay nakakabit pa ang plakang for registration. Kung hindi naman kaya ay nakasabit ang pangalan ng kompanyang kinuhanan ng motor.

Tanong ng texter: Paano raw kapag ginamit sa kalokohan o katarantaduhan ang nasabing sasakyan? Matutukoy ba kaagad kung sino ang may-ari nito?

Minsan naman daw, saad pa ng concerned citizen, nakalagay  ang plaka ng motorsiklo subalit na-pakadilim naman ng plastic cover na ginamit kaya’t halos hindi na rin maaninag o mabasa ang control number at letter ng plaka ng nasa-bing humaharurot na sasakyan.

Kung hindi naman daw madilim, nakataas o hindi maayos ang pag-kakalagay ng plaka kaya’t kapag sakaling “involved” sa kawalanghiyaan ay hindi rin maire-report ang motorsiklo dahil hindi naplakahan.

Totoo namang madalas makalusot sa mga pulis ang mga motorsiklong sinasakyan ng riding in tandem dahil bukod sa gamit nila ay plakang for registration o kaya naman ay depektibong plaka, nagiging daan din ito upang mahirapan ang mga saksi na mai-report kaagad ang anomang insidente na nasaksihan nila na sangkot ang motorsiklo. Nahihiya silang maging katawa-tawa dahil ang inirereport nila ay walang plaka o pagkakakilanlan. Batid nila na mababalewala lang ang kanilang boses na

pilit kumakawala upang makapagbigay ng tulong sa naging biktima ng mga lulan ng motorsiklong may itinatago sa pamamagitan ng plaka. Giit ng  texter na sana’y huwag maging inutil ang LTO at PNP sa usaping ito. Nais niyang magkaroon ng hakbang ang nasabing mga ahensiya upang matigil na ang mga krimen na sangkot ang mga motorsiklo.

Idinagdag pa ng nagpadala ng mensahe na sana’y huwag nang hintayin ng mga nakaupo sa pamahalaan na sila o kanilang pamilya ang mabiktima ng mga kawatan o walanghiyang nilalang na gumagamit ng motorsiklo sa katarantaduhan bago pa sila kumilos.

Tama naman ang message sender dahil walang pagsisisi na nasa una, lahat ay nasa huli kaya’t dapat ngayon pa lang ay kumilos na sila kung may naiisip silang paraan upang matigil na ang paggamit ng motorsiklo sa paggawa ng masama sa kapwa.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply