Mahalin nang tunay at todo ang mga obrero

BUKAS, Mayo 1, 2012, ang makasaysayang Araw ng mga Obrero.

Ano-ano na ang iniaalay ng pamahalaan sa mga gulugod ng bansa?

Gulugod dahil kung wala ang mga manggagawa, guguho ang bansa.

MAGSASAKA

Kabilang sa mga manggagawa ang mga nagsasaka at nagtatanim ng makakain ng sambayanan.

Kung walang magsasaka o magtatanim, patay tayong mga bata tayo. Patay tayo sa kawalan ng palaman ng ating sikmura.

Ano ngayon kung may pera ang may pera kung wala siyang mabiling pagkain na iniluluwa ng pawis ng mga magsasaka o magtatanim?

Palay, gulay, prutas.

Name it, you have it sa pagpapala ng mga magsasaka.

Kaya naman ganyan na lang kahalaga ang mga magsasaka.

MANGINGISDA

Ang mga mangingisda ay nagtitiis sa lamig upang magkaroon din tayo lahat ng ulam, lalo na ang protina na kailangan natin para mapanatiling malaki at masigla ang ating mga katawan.

Sila rin ang tagahatid ng Omega 3 na kailangan natin laban sa iba’t ibang sakit gaya ng sakit sa puso, stroke at high blood. Sila ang nagdadala ng mga isda, alimango, hipon, shell, halamang dagat at iba pa sa ating mga hapag-kainan.

Walang kilawin, jumping salad, inihaw na isda. Matabang ang kanin, mais o kamote kung wala silang iaahon na yamang dagat, ilog, lawa at sapa.

NAGHAHAYUPAN

Napakahalaga rin, mga Bro, ang mga nag-aalaga ng mga hayop na pinagmumulan ng mga protina.

Pero kuwidaw ka kung nasobrahan mo ang kolesterol mula sa mga balat ng manok, taba ng baboy at baka.

Pero kung wala ang mga ito, wala tayong malilitson na manok, pato, itik, baboy at baka. Walang masayang piyesta kung wala ang mga ito.

OBRERO SA PAGAWAAN

Itong mga obrero sa mga pagawaan ay kasing halaga rin ng mga magsasaka, mangingisda at naghahayupan.

Kung wala sila, wala tayong maitatayong tahanan sapagkat sila ang gumagawa ng mga yero, salamin, semento, hollow block, bakal, pako, martilyo, alambre, makina, produktong petrolyo at iba pa.

Hindi rin masasardinas ang mga isda, karne at iba pa kung wala silang gagawing lata.

Magiging hubo’t hubad din tayo tulad nina Adan at Eba kung wala silang gagawing mga damit.

Wala rin tayong mga gamot, thermometer, eringilya, pang-opera, ceasarian at wheelchair kung wala sila.

Wala rin tayong masasakyan na traysikel, dyipni, bus, taxi, tren, eroplano, barko at iba pa kung wala ang mga obrero sa mga pagawaan.

Wala rin tayong madaraanan na mga kalsada, tulay, riles ng tren at wala tayong madadaungan na mga pier at airport kung wala sila.

Wala ring lalabas na mga computer, laptop, cellphone, diaryo, telebisyon at radyo kung wala sila.

Maiimadyin niyo rin ba kung wala ang mga mason, karpintero, welder, electrician, mekaniko, operator ng mga makina, technician sa electronics at iba pa?

At wala tayong mapupuntahang mga mall, motel, hotel at iba pa kung wala sila.

DRIVER, HELPER, KONDUKTOR

Walang mangyayari kung puro kalabaw, baka at kabayo lang ang maghahatid sa atin sa ating mga pinupuntahan.

Wala ring mangyayari sa ating mga produkto at serbisyo kung wala ang mga driver, konduktor, helper, mekaniko, vulcanizer at marami pang iba na nagpapatakbo ng transportasyon.

Kailangan natin ang mga humahawak sa manibela ng mga de padyak, traysikel, dyipni, bus, taxi, FX, tren, cargo at delivery truck.

Kabilang na rin siyempre rito ang mga kapitan ng barko at mga kasama niya, ang mga piloto, stewardess at iba pang mga nagpapatakbo ng mga bangka, barko at eroplano.

Tanong nga pala rito: kaya bang patakbuhin o paliparin ng iisang pamilya, halimbawa, ang libo nilang mga taxi, bus, barko at eroplano?

Ganyan katindi ang halaga ng mga obrero sa transportasyon.

VENDOR, TINDERO TINDERA

Hindi kailanman uunlad ang mga negosyo o hanapbuhay natin kung wala tayong katuwang sa pagtitinda ng mga produkto at serbisyo.

Kaya naman napakahalaga ang mga vendor, tindero at tindera, account executives o anomang tawag natin sa kanila.

BAGONG BAYANI

Kung wala ang mga Overseas Filipino Worker, matagal na sanang sumadsad ang ekonomiya ng mahal kong Pinas.

Tagahatid sila ng dolyar at iba pang dayuhang salapi na kailangan ng gobyerno sa mga transaksyon nito sa ibang bansa.

Kung wala ang nasa 15 bilyong dolyar na padala nila taon-taon, baka walang mapagkukunan ang gobyerno ng pambayad sa mga dayuhan nitong utang, walang ready na pambili sa mga kailangan gaya ng $6 bilyon na langis taon-taon at pag-aangkat din ng bigas.

NARS, DOKTOR, ENGINEER

Ano sa palagay ninyo kung wala tayong mga nars, doktor, midwife, inhinyero, titser, weather forecaster at marami pang katulad nila?

Hindi natin maimadyin ang buhay kung wala ang mga ito, mga Bro.

ANO ANG ALAY SA MGA OBRERO?

Balik tayo sa tanong na: ano-ano na ang mga iniaalay ng gobyerno sa mga obrero ngayong Mayo 1?

Mayroon naman umanong naiisip ang mga KKK ni PNoy. Pero pakibantayan po, mahal na Pangulo, kung consuelo de bobo o hindi ang bigay ng mga KKK sa mga obrero.

Sa atin, dapat silang mahalin nang tunay at todo.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iatawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply