Mahusay na serbisyo

KATATAPOS lang ng mahabang bakasyon dulot ng Mahal na Araw at maraming tao mula sa kalakhang Maynila ang nagbakasyon sa mga lalawigan kung saan hindi lang pamamanata ang habol kung hindi ang makasinghot ng sariwang hangin at makapagsaya sa pamamasyal at paliligo sa mga magagandang resort at beach.

Marami sa mga nagbakasyon ay pawang lulan lang sa mga pampublikong sasakyan na dapat sana ay maganda ang serbisyo sa mga pasaherong tumatangkilik sa kanila dahil ang mga ito ang bumubuhay sa kanilang negosyo.

Nais ng mga pasaherong nakaranas ng hindi magandang serbisyo mula sa mga pampublikong sasakyan na makarating sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang reklamo upang mabigyang atensyon  kaagad kung hindi man mabigyan ng agarang solusyon.

Hindi lang naman road safety ang habol ng mga pasahero kundi ang kanilang comfort sa mga sasakyang nagserserbisyo sa kanila dahil tama naman ang pasaheng kanilang ibinayad.

Nawa’y bigyang pansin ng hepe ng LTFRB na si Atty. Jaime Jacob ang reklamo ng mga mamamayang tumatangkilik sa mga public transportation na marami sa mga bus at public utility vehicles (PUVs) na kanilang sinasakyan ang hindi maganda ang serbisyo tulad ng sobrang siksikan at hindi pa maayos ang ventilation lalo na sa airconditioned
buses at  PUVs.

May mga reklamo rin ang mga pasahero sa mga bastos na driver at konduktor ng buses at

tarantadong kolektor ng bayad sa PUVs.

Maganda sana kung regular ang ginagawang spot inspection ng LTFRB sa mga terminal ng bus at PUV upang marinig nila ang reklamo ng mga pasahero at makita nila ang diperensya ng mga sasakyan na nagseserbisyo sa publiko.

Dapat ding kausaping madalas ng LTFRB ang mga opisyal at miyembro ng transport groups upang marinig nila ang panig ng mga ito bukod pa sa mapaalalahanan ang kanilang responsibilidad at tungkulin sa mga pasahero.

Hindi naman kasi puwedeng sapat na sa kanila ang makapasada at kumita ng pera.

Kailangan ding ayusin ang sasakyan at ugali para sa magandang serbisyo.

Maraming bumibiyaheng pampasaherong sasakyan na ang gusto lang ay kumita ng pera subalit hindi inaayos ang kanilang sasakyan para sa ligtas na pasada at biyahe.

May mangilan-ngilan na mahina na ang gulong at sira pa ang aircon subalit hindi ipinaaayos at hinahayaang mahilo ang pasahero sa sobrang init.

Hindi rin nakikita ng LTFRB na may mga pampasaherong van na bumibiyahe, hindi na sa probinsiya, kundi rito na mismo sa Kamaynilaan na may overloading.

Hindi sumusunod sa tamang dami ng pasahero kaya naman may reklamo ang mga pasahero na matagal na ngang mapuno, sobrang siksikan at init pa.

Huwag sanang tutulog-tulog ang LTFRB at maging ang transport groups na nakapupuna ng pagkukulang sa mga sasakyan ng kanilang mga kasama dahil sa kanila rin babagsak ang puna.

Dapat ay magkaisa sila sa pagbibigay ng magandang serbisyo sa nagbibigay ng kabuhayan sa kanila.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply