Makatao si PNoy at si Gutierrez sa PDEA

NAPAPANAHON ang naging hakbang ni Pangulong Noynoy Aquino sa ginawa nitong pagpapatigil ng demolisyon lalo na sa Kalakhang Maynila.

Ito ay matapos ipag-utos ni PNoy kay DILG Sec. Jesse Robredo ang pagpapahintong pansamantala ng demolisyon sa Metro Manila habang nirerepaso ang mga panuntunan hinggil sa paggigiba ng mga bahay sa mga squatter area.

Halatang-halata sa ginawa ng Pangulo ang kanyang puso sa maralita dahil nabagabag siya sa nangyaring demolisyon sa Silverio Compound sa Parañaque City na kung saan isang residente rito ang namatay matapos itong tamaan ng bala sa sentido.

Bagaman lokal na pamahalaan ng Parañaque ang may kagagawan ng demolisyong nabanggit ay ang Pangulong Noynoy pa rin ang nagsalba sa libo-libong pamilya sa naturang area para hindi na matuloy at maulit pang muli ang magulo at madugong demolisyon.

Kagandahan pa nito ay hindi lamang sa Silverio Compound sa Parañaque City ang makikinabang sa naturang order dahil malinaw sa kautusan ng Pangulo na buong MM ang ceasefire muna sa gibaan.

Rebisahin ang lahat ng batas sa demolisyon at pabahay, ‘yan ang mahigpit na bilin ng Pangulo para hindi na maulit muli ang pagbubuwis ng buhay ng mga maralita.

Tama ang panawagan dahil batid naman ng lahat na sunod-sunod ang ginagawang demolisyon sa bansa lalo’t higit sa Metro Manila na ang kontrabida at nagpapagiba pa ay ang mga lokal na pamahalaan na mas prayoridad yata ang magpayaman kaysa pagsilbihan ang mga maralitang nangangailangan ng kanilang pagkalinga.

oOo

Hindi nagkamali si PNoy sa pagtatalaga kay PDEA boss Usec. Jose Gutierrez.

Kakaiba kasi ang kampanya nito sa ipinagbabawal na gamot dahil sa lahat halos ng sulok ng bansa ay makikita mong kumikilos ang kanyang mga tauhan para masawata ang salot na ito.

Maliit man o malaking sindikato ay hindi nito iniilagan dahil ang tanging layunin ng PDEA sa pamumuno ni Gutierrez ay matigil ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.

Araw-araw ang kampanya ng PDEA sa droga kaya’t tiyak na mababawasan na ang pagkalat ng bawal na gamot sa bansa dahil tama ang taya ni PNoy kay Gutierrez na noong nasa PNP pa lamang ay isa nang tunay na lingkod ng bayan.

Marami pang sindikato ng droga ang babagsak sa PDEA at iyan ang ating aabangan dahil isa ito sa mga inaasahan ni PNoy sa “tuwid na daan.”

Sa mga nagnanais ng pagkalinga ng pitak na ito, maari kayong mag-email sa barangayanni_isko@yahoo.com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply