Mandarambong na ex-sales agent

TILA wala nang kahulugan ang salitang ‘katinuan’ sa lipunan nating ginagalawan.

Dahil kahit saan, naglipana ang mga mandarambong.

Ang mga masasamang-loob ay walang pakundangan sa paggawa ng kalokohan – malaki man o maliit na krimen, ‘di na nila alintana.

Sa kanila, ang gumawa ng masama ay pangkaraniwan na lang.

Basta’t ma-satisfy ang mga sarili, ‘di na nila iniisip ang masamang ginagawa.

Subalit sa mga naging biktima, ang maloko, maabuso o manakawan ay mapait na karanasan na kanilang dadalhin habambuhay.

Tulad ng nangyaring panloloko sa negosyanteng si Ian Johnson Ang ng dating sales agent ng kanyang car accessory company.

Ayon kay Mr.  Ang, niloko siya ni Bong S. Undan alyas ‘Boyong’, dating sales agent ng kanyang kompanyang Shinzen Trading.

Kahit ‘di na konektado sa Shinzen, si Undan ng Purok 4, Bagumbayan, Llanera, Nueva Ecija ay nangongolekta pa rin sa kanilang mga pautang.

Nalaman ni Mr. Ang ang ginagawa ni Undan nang madiskubre nilang kumolekta si Undan ng bayad ng pautang na piyesa sa Tarlac.

Umabot na sa P13,500 ang nakulimbat ni Undan mula sa dapat sana’y singilin nilang pautang sa mga supplier sa nasabing lalawigan.

Sa tulong ng National Bureau of Investigation na nakabase sa Tarlac, isinagawa ang isang operasyon para madakip si Undan.

Si Undan ay ipinagharap ng kasong qualified theft ngunit nakalabas ito sa piitan matapos maglagak ng kaukulang piyansa sa korte.

Nagbabala si Mr. Ang sa mga kapwa niya negosyante na maging mapagmatyag at mag-ingat sa modus operandi ni Undan.

Samantala, iniulat ng NBI-Tarlac na sila’y gumagawa ng pagsasaliksik para malaman kung si Undan ay may kaso pang iba.

Sinisilip ang posibilidad o anggulo kung ang suspek ay sangkot din – ‘di lang sa nakawan kundi sa mas malaki pang uri ng krimen.

Ang masasabi lang natin – ang katulad ni Undan ay ‘di dapat pagkatiwalaan.

May kasabihan na “A robber is always a robber.”

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply