Mangmang na maporma, gago o kawawa

SAILOR daw siya. Ito ang nakalagay sa Facebook account ni Nhoy Tasara ng Casiguran, Aurora. Oo nga naman, lumalayag siya sakay ng barko, eh di sailor nga!

Hindi ng Navy kundi ng pangingisda.

Tampulan ng poot at puna si Tasara sa Facebook kahapon pa kasi naman, nagpopo-post siya ng mga litratong may kasamang huling baboy dagat o dolphin, sari-saring pating at may isa pang mukhang butanding.

Reax to the max ang kaibigan nating si Charie Villa ng ABS-CBN at marami pang iba sa industriya, kasi nga, nakakaawa ang mga nilalang ng dagat. At iligal ang pinaggagagawa ni Tasara, lalo na patungkol sa Dolphin kung batas ng Pilipinas ang batayan.

Pinadalhan ni Charie ang kumag ng kopya ng Fisheries Administrative Order 185, series of 1992 na nakabatay sa P.D. 704 na nagbabawal sa pagkuha, paghuli, pagbenta, pagbili, pagbiyahe at pag-export ng dolphins.

Kinalkal ko ang facebook ni Tasara at talaga namang super porma. Saan ka ba naman nakakita ng nagpapalitratong ibina-bandera ang mga dolyares, alahas at iyon nga, ibat-ibang uring huling pating, isda, dolphin at iba pa.

Pero Ito Ang Totoo: nakita ko rin na si Tasara ay mula sa dukhang pamilya, batay sa mga larawang naka-post sa Facebook account niya.

Dahil mukhang ngayon lang nagkapera ng mas marami sa nakasanayan, ngayon lang nagka-alahas ng may halaga, at parang may kapangyarihang desisyunan kung sino ang mamamatay sa mga nilalang ng dagat, feeling proud and powerful  si Tasara.

Kung nagalit agad ako sa awa sa dolphin, mga pating at butanding, may konting awa rin akong nadama sa katatayuan nitong yumabang na si Tasara.

Kawawa kasi, bukod sa ‘di naman talaga karamihan ang pera, nabubulag na siya sa katotohanang may pera ka o wala, saklaw ka pa rin ng mga batas na umiiral sa balat ng lupa.

Mukhang hindi alam ni Tasara ang ginagawa dahil sa kamangmangan pero Ito Ang Totoo: “ignorance of the law excuses no one.”

Hindi lang si Tasara ang dapat managot. Ang mga kasapakat niyang crew ng barkong pangisda na hindi napangalanan ay dapat ring maimbestigahan.

Sa may South Africa daw sila pumapalaot, malayo sa ating bansa pero kahit na, dapat matukoy kung ang mga aktibidad ng barko at crew nito ay naaayon sa mga patakarang pandaigdigan pagdating sa panga-ngalaga sa kalikasan at iba pa. Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply