Mas magaling kay Pilato

HINDI galing sa pulis ang bala ng baril na pumatay sa isa sa mga raliyesta sa Silverio Compound sa Parañaque.

Ito ang dinidiinan ng mga imbestigador na kumakalkal sa pangyayari na ikinamatay ni Arnel Leonor Tolentino.

Kinumpirma rin ito mismo ni DILG Sec. Jesse Robredo.

Kaya dalawa na lang ang pagpipilian ng mga namatayan.

Tinodas ni Tolentino ang kanyang sarili o mga kasamahan niya ang pumatay sa kanya.

Sa ibang salita, may naghudas sa kanya o ginawa siyang sakripisyo upang maging kontro-bersyal ang demolisyon sa lugar.

Pero iginigiit ng mga namatayan at libo-libong biktima ng demolisyon na mga pulis ang pumatay sa biktima.

Sino ngayon ang dapat na paniwalaan o ang nag-sasabi ng totoo?

oOo

Pero hindi hanggang sa bangis ng demolisyon lang ang pinag-uusapan diyan.

Ayon sa mga residente, sa kanila na ang lugar dahil ipinaloob ito sa community mortgage program.

Sa ibang salita, nagba-bayad na sila para sa lupa dahil ini-award ito sa kanila na kanilang pagtatayuan ng mga tahanan.

Nakapagtataka nga lang na may biglang sumulpot na may-ari sa kabuuan o sa ilang bahagi ng lupain na tinitirhan ng umano’y nasa 28,000 na pamilya.

At dito pumasok ang de-molisyon sa isang bahagi na may nakatayong palengke ng lugar.

Sa tingin ng nakararami sa mga residente, kapag pinaya-gan nila ang demolisyon, susunod na ang demolisyon sa kabuuang lugar na pinagtayuan nila ng bahay.

‘Di ba itong SM umano ang gustong magtayo ng mall sa lugar?

At kung totoo, pinaniniwalaan nilang wawalisin silang lahat. Ang resulta, muli silang magiging iskuwater sa sariling bayan lalo’t wala pa umanong tiyak na relokasyon para sa kanila.

Ngunit tama ba na relokasyon ang usapin kung totoong awarded na sa kanila ang lupa?

Gaya ng nangyari, may buhay nga na mabubuwis dito kung may demolisyon.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply