Mas malawak na ARMM mas mainam

MALINAW man na hindi agad mabubuwag ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kahit pa malagdaan sa lalong madaling panahon ang final peace agreement ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay hindi naman ito big deal sa mga taga-ARMM.

Isinusulong kasi ngayon ang pagbuo ng panibagong autonomous political entity kapalit ng ARMM na nakapaloob sa 10 decision points na pinagkasunduan ng magkabilang panig kamakailan.

‘Ika nga ni government chief negotiator Atty. Marvic Leonen, alam naman ng lahat na hindi awtomatikong eepekto ang peace agreement dahil may proseso pang daraanan ito kaya sigurado silang mapakikinis pa ang usapin bago tuluyang madesisyunan.

-000-

Una, kailangan pa nga namang maipasa ito bilang batas at isailalim sa referendum ang pagkakabuwag ng ARMM na itinatag sa pamamagitan ng RA 9054 at,  pangalawa, ang nasabing political identity ay papaloob muna sa batas ng Pilipinas at sa teritoryo ng bansa.

Kaya malinaw na hindi pa masasabi kung maisasakatuparan ito bago o pagkatapos ng ARMM elections sa 2013.

-000-

Gayunpaman, kung pakasusuriing maigi ang nilalaman sa talking points ng magkabilang panig, kahit sino ay hindi na siguro magdadalawang isip na ipatupad ito.

Nakapaloob kasi sa isyu ang pagpapahalaga sa Bangsamoro identity at mga lehitimong reklamo ng Bangsamoro people.

Pasok din ang pagkakaroon ng ministerial powers sa bagong autonomous political entity; ang pagkakaroon ng transition period; power at wealth-sharing ng national government at ng bagong political entity; pagkakaroon ng wealth creation o pagkakakitaan ng rehiyon; pagpapalakas sa Sharia courts; pagtatag ng monitoring and evaluation mechanism at pagkilala sa mga umiiral na karapatan ng mamamayang nakapaloob sa batas.

Mga usapin na ang mamamayan ng ARMM ang makikinabang.

-000-

Kaya naman hindi na ako magtataka kung tatlong Mindanaon solons agad ang nagsabing pinapaboran  nila ang negosasyong inilunsad ng administrasyong Aquino.

Naniniwala kasi ang mga mambabatas na sina Maguindanao Rep. Simeon Datumanong, House Assistant Majority  Leader at Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles at Basilan Rep. Jim Hataman-Salliman na sa pamamagitan ng nasabing kasunduan ay matatamo na ang kapayapaan sa ARMM na matagal nang inaasam.

Kumbaga, sila nga na mga mambabatas ay positibo sa epekto ng nakatakdang pagpapalawak sa political entity sa ARMM, lalo na siguro ang mga mamamayan sa nasasakupan nito na matagal na ring pangarap ang malayang makalabas ng kanilang bahay nang walang pinangangambahan.

Sana nga lang ay mapadali ang pakikipagkasundo ng administrasyon sa MILF at hindi na maapektuhan pa ang nakatakdang 2013 elections sa ARMM.

Dahil kung saka-sakali, tanging ang pamahalaan lang ni PNoy ay makagagawa nito na hindi nagawa ng mga nakaraang administrasyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply