Media binanatan sa ‘di balanseng pagbabalita

BINANATAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang media sa hindi balanseng pagbibigay ng balita sa publiko.

Pinapalabas aniyang masama ng media ang mga sitwasyon dahil mas gusto pang i-highlight ang negatibong balita kaysa sa positibong balita at accomplishment reports ng kanyang administrasyon.

Unang tinukoy ni PNoy ang tweet sa Twitter ni Edu Manzano na pinatulan ng media na nagsabing nakita siyang nakikipag-date sa TV host na si Grace Lee sa Greenhills gayong nasa loob lamang siya ng Malakanyang at abala sa pakikipagpulong.

Inihalimbawa rin ni Pangulong Aquino ang kamakailan lamang na pagbisita ng Emir ng Qatar sa bansa kung saan ay ibinalita sa isang  artikulo na may pamagat pang “Qatar’s Emir cuts short state visit”  na aniya ay tila nagtatanim naman ng pagdududa.

Nakalulungkot aniya na sobrang bigat ng epekto ng ganitong mga balita sa Pilipinas lalo na sa mga dayuhan na nagdadalawang-isip nang magpunta sa bansa dahil sa walang sawang balita ukol sa krimen at karahasan.

Binigyang diin pa ni Pangulong Aquino na hindi naman niya hinihiling sa media na mag-imbento  ng kuwentong-kutsero upang pabanguhin ang gobyerno, subalit kung ibabalanse aniya at iisipin na ang bawat salita ay nakaaapekto sa buhay ng mga Filipino, tiyak na mas madaling maabot ang kolektibong mithiin para sa bayan.

Samantala, sinabi rin ng Pangulong Aquino na kung magpupunla lamang ng pagdududa ang media ay malinaw na  paghihirap ang dulot nito. Ngunit kung pag-asa aniya ang itatanim ay kasaganahan ang aanihin.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply