Mga Beteranong sundalo may bagong benipisyo

MAY ibibigay na bagong benepisyo si Pangulong Benigno Aquino III sa mga beteranong sundalo ng bansa.

Sa isinagawang pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan na isinagawa sa Mount Samat sa Pilar, Bataan ay sinabi ng Punong Ehekutibo na ipinagpupugay ng estado ang mga beterano.

Naniniwala rin aniya siya na kailangan nang suklian ng pag-aaruga ang mga naging sakripisyo ng mga beteranong sundalo.

Simula pa noong Marso 31, naging eligible na ang mga beteranong sundalo sa health services sa may 599 ospital sa buong bansa na accredited bilang isang regional o provincial extension ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC).

“Limandaan siyamnapu’t siyam na ospital po sa buong bansa ang na-accredit ng Veteran’s Memorial Medical Center bilang regional o provincial extension,” ayon kay Pangulong Aquino.

Ang mga serbisyong pangkalusugan na maaaring ibigay ng VMMC ay ang cataract operations, coronary angiogram at cardiac bypass.

Sinabi pa rin ng Punong Ehekutibo na tutulong ang Direct Remittance Pension Servicing System sa mga  beterano na makuha ang tamang halaga ng kanilang pensyon sa tamang oras.

“Nilinis na rin po ang mga talaan ng mga pensyonado nating kababayan, upang masigurong ang pera ay nakakarating sa dapat nitong hantungan,” ang sinabi pa ng Punong Ehekutibo.

Tinuran pa rin nito na ang mga bagong benepisyo para sa mga beteranong sundalo ay isang paraan ng pagkilala ng pamahalaan sa kabayanihan ng mga ito.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing pagdiriwang ay sina dating Pangulong Fidel Ramos, Japan Ambassador Toshinao Urabe, US deputy chief of mission Leslie Bassett, Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Education Secretary Armin Luistro, at Justice Secretary Leila de Lima.

Samantala, tiniyak naman ng pamahalaan na ginagawa nito ang lahat upang maibigay ang lahat ng mga pangangailangan ng mga sundalong Filipino sa pamamagitan ng pinabagong Armed Forces.

Sa katunayan, sa Mayo ay isang panibagong Hamilton Class Cutter ang nakatakdang dumating sa bansa upang mas lalo pang palakasin ang coastline at territorial defense ng bansa.

Ang kauna-unahang Hamilton Class Cutter ng bansa ay kinomisyon noong nakaraang taon bilang BRP Gregorio del Pilar.

Noong nakaraang buwan, apat mula sa walong combat utility helicopter ang tinurn over sa Armed Forces at ang natitirang apat nito ay darating sa bansa sa Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Sinabi pa rin ng Punong Ehekutibo na ang 138 projects ang nakalinya para sa Defense Acquisition System na nakatakda namang iimplementa sa susunod na limang taon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply