Mga sexy sa krus at kawatan sa disgrasya

MASAMA ba ang magpa-picture sa krus na itinayo para gunitain o iselebra ang Semana Santa?

Ito ngayon ang katanungan makaraang sumabog sa Facebook at Twitter ang dalawang magagandang tsikas na nagpa-picture na kunyaring nakapako sa mga krus na pinagdausan ng talagang pakuan noong Biyernes Santo.

HUWAG BABUYIN

‘Yung mga tsiks ay isang Pinay yata at isang dayuhan. ‘Yung Pinay ay medyo seksi lang dahil normal ang kanyang shorts at pang-itaas na kasuotan.

‘Yung dayuhan naman ay bihis relihiyosa dahil wala man lang makitang kaseksihan.

May kasama rin silang dalawang lalaki na kunyari ay ipinako rin.

Pero lahat sila ay kumapit sa krus para hindi malaglag kung sakaling magkalindol o uuga ang mga krus.

Ang sabi ng iba, pambababoy sa diwa ng Semana Santa ang ginawa ng mga makukulit na
ito na namamasyal at turista.

Dapat pinanatili umano ng mga ito ang kasagraduhan ng ginawa roon sa Angeles City noong Biyernes Santo.

Hindi baleng babuyin mo ang ibang bagay huwag lang ang diwa ng paghihirap ni Kristo para lang tayo mailigtas sa kamay ng demonyo at magkaroon ng pagbabago sa buhay.

PINAGKAKITAAN

Heto pa ang isang kuwento sa kontrobersiyang ito.

May promotor pala sa kunyaring pagpapapako.

May bayad pala rito.

‘Yung gustong magpa-picture na kunyaring nakapako ay kailangang magbayad.

Sa ibang salita, may toll.

Parang ginagawa sa mga expressway sa lahat ng mga sasakyan na pumapasok dito. No
toll, no entry.

Onli in da Pilipins yan.

Sangkot ba ang mga opisyal ng barangay dito o may madiskarte lang na tagaroon sa lugar? At yang pagkakitaan ang alaala ni Kristo ay oks lang?

HATI ANG SIMBAHAN

Hati ang simbahan sa usaping ito.

May kumontra sa nangyari at mayroon namang naging pabor at yung iba, dedma lamang.

‘Yung mga kumontra sa pagtulad kay Kristo na nakapako ang nagsasabing binababoy ang alaala ni Kristo.

‘Yung pumabor naman ay nagsasabing mabuti ang nangyari dahil may nagkagustong dumanas ng pagkakapako. Kahit “pirated” ang sitwasyon, kahit papaano, nagising ang maraming natutulog na kamalayan ukol kay Kristong Hari at Tagapagligtas.

Nabibilang naman sa ibang pananampalataya ang dedma lang sa kontrobersya. Ito ang mga hindi naniniwala sa paggunita sa paghihirap at pagpapako kay Hesus.

Kaya naman, kahit krus ay walang makita sa kanilang mga sambahan o tahanan.

GOOD OR BAD, PUBLICITY PA RIN

Meron naman tayong nakausap na taga-Philippine Tourism Authority.

Ang sabi, good or bad, publicity pa rin.

Tugma umano ang nangyari sa islogan ng PTA na “It’s more fun in the Philippines.”

Hindi lang natin alam kung ano ang pakahulugan nila sa It’s more  fun in the Philippines kaugnay ng usapin.

It’s more fun na babuyin ang isang napakahalagang bahagi ng Kristiyanismo o pagkakitaan ito dahil higit na darami ang mga turista sa bansa?

KAYO NA ANG HUMUSGA

Kayo na, mga Bro, ang humusga.

Ang akin lang, eh, mabuti na ring may magkainteres ukol kay Kristo kaysa wala.

Anong malay natin na magkaroon ng pagbabago kahit man lang sa kalooban ng mga nagpapako o nagkulimbitin sa krus.

‘Yang mga ganyang pangyayari kung minsan ay hindi natin namamalayang pinagmumulan ng mga magagandang balita.

Magagandang balita na kasing gaganda ng mga balita nang nabubuhay pa si Kristo sa lupa.

NADISGRASYANG DELIVERY TRUCK

Sa lugar na ilang kilometro ang layo mula sa Angeles City na pinagpakuang lugar, malapit sa paanan ng Pampanga Swamp Bridge sa bayan ng San Simon, may nadisgrasya kamakalawa na delivery truck ng mga kakataying manok.

Patungong Manila ang truck at galing ito sa Pampanga na may sakop pa rin sa Angeles City.

Alam ba ninyo ang nangyari makaraan lang ang disgrasya?

SEARCH AND RESCUE SA MANOK

Anak ng tokwa, hindi ang mga driver at helper ang tinulungan ng ilang tagaroon sa lugar.

Pinutakte nila ang mga kargang manok ng truck at wala silang pakialam sa mga dumaraang sasakyan at biyaherong nakakikita sa kanila.

Maraming kabataang lalaki ang nakitang mabilis na dumudukot sa mga manok saka itinatakbo sa kani-kanilang lugar.

Ibang klaseng search and rescue ang pinaggagawa ng mga ito.

Imadyinin mo, katatapos lang ng Semana Santa, eh, yang magsamantala sa disgrasya ang ginawa ng mga animal na ito.

PAREHONG KUWENTO

Hindi lang ito ang pangyayaring kinakitaan ang ilan nating kababayan ng pagsasamantala sa disgrasya.

Umaapaw ang mga kuwento sa disgrasya sa mga sasakyan.

Sa halip na tulungan ang mga nadidisgrasya, ninanakawan ang mga ito ng dala nilang salapi, alahas at iba pang may halaga. May mga pangyayaring mismong ang mga sumasali sa search and rescue ang nagsasamantala rin sa mga biktima.

May kuwento pa ngang panggagahasa sa mga kababaihan.

Kaya nga, mas maganda pang balita ang pagpapaseksi sa krus kaysa ang pagsasamantala sa mga nasa disgrasya at kagipitan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply