Mobile Metro Base ng MMDA umarangkada na

UMARANGKADA na ang unang Mobile Metro Base ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsisilbing mata ng ahensiya sa pagmo-monitor, hindi lamang sa trapiko kundi sa lahat ng mga aktibidad na isasagawa sa Metro Manila.

Tinaguriang Aguila 1 ang unang mobile metro base na may mga makabagong uri ng kagamitan na nakalagay sa loob ng sasakyan at may kakayahang makapag-monitor sa trapiko, maging sa iba pang aktibidad tulad ng mga kilos-protesta, malaking pagtitipong pang-relihiyon o konsiyerto at iba pang uri ng aktibidad.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, hangarin ng kanilang ahensiya na lumikha at umabot pa ng hanggang Aguila 4 ang kanilang mobile metro base upang mamonitor nang lubusan ang lahat ng mga aktibidad sa Kamaynilaan.

Hindi naman aniya gagastos ng malaking halaga ang kanilang ahensiya sa pagbuo nito dahil bukod sa segundamanong sasakyan lamang ang kanilang gagamitin, may sapat na kakayahan ang kanilang mga technician upang makalikha ng makabagong uri ng pasilidad na kahalintulad ng mga sasakyang gamit ng mga law enforcement agency.

Idinagdag pa ni Tolentino na sa Abril 15 ay magkakaroon na rin ng test flight ang ide-deliver sa kanila na isang uri ng maliit na sasakyang panghimpapawid na makakapag-monitor sa sitwasyon ng trapiko hanggang sa layong isang kilometro.

Makakatulong din aniya ito sa pag-alam ng mga sitwasyon sa oras na may nangyaring kalamidad dahil may dalang camera na naka-monitor naman sa kanilang metro base.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply