Mukha ng buhay

SINASABING ang buhay ng tao ay isang paglalakbay, at sa paglalakbay natin sa mundong ito maraming tao at personalidad ang ating nakikilala at nakakasalamuha.

Iba’t ibang istorya ang ating nasasaksihan, sari-saring mga sitwasyon at pagsubok ang ating sinusuong at mula sa mga ito ay nakikilala natin ang iba’t ibang mukha ng buhay.

Sa aking minsang pagtungo sa bansang Macau ay nakilala ko ang isang Filipino na patuloy na nagbabahagi ng kanyang mga kaalaman sa isang unibersidad doon. Siya si Johnny Decatoria, isang propesor.

Kilala ang bansang Macao dahil itinuturing itong ‘Las Vegas’ ng Asya, dahil sa mga casino na maaring matagpuan dito. Mai-tuturing na isang maunlad na bansa ito kung kaya’t maraming kababayan natin – propesyonal man o hindi – ang nagtutungo rito upang makipagsapalaran.

Ang pagiging maunlad nito at ang oportunidad sa isang magandang trabaho ang nakaakit kay Johnny upang magtungo rito at magtrabaho.

Masasabing isang larawan ng tagumpay si Johnny sapagkat nasa Pilipinas pa lamang ay kinikilala na ang kanyang husay at katalinuhan. Nagmula siya sa bayan ng Bacolod kung saan ay isa siyang Parole and Probation officer ng Department of Justice.

Naranasan din niyang magturo sa La Salle sa Bacolod.

Taong 2000 ay nagdesisyon siyang lumipat ng Maynila, kung saan ay naging isa siyang propesor ng University of Santo Tomas para sa kanilang graduate school, at hindi kalaunan ay naging director ng UST graduate school psycho trauma clinic.

Naging bahagi rin si Johnny ng United Nations Agencies na gaya ng United Nations Develop-ment  Program at ng United Nations High Commissioner for Refugees, nagtrabaho siya rito bilang consultant.

Dahil sa trabaho niyang ito sa UN ay narating niya ang iba’t ibang bansa gaya ng Vietnam, Thailand, ilang bansa sa Carribean at maging sa Africa kung saan ay nakasalamuha niya ang mga indibidwal at pamilya na naging biktima ng karahasan.

Ang mga refugee na ito mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagbukas at nagpakilala sa kanya ng iba’t ibang mukha ng buhay. Naging saksi siya sa pait, sakit, galit, lungkot, dalamhati at iba pang emosyon na nararanasan ng isang tao.

Malaki ang naging tulong sa kanyang buhay ng karanasan niyang ito.

Hanggang sa magdesisyon na siyang magtungo sa Macau at magturo sa Inter- Institute University of Macau. Bagama’t ayon sa kan-ya ay naging isang pagsubok sa kanya ang mapalayo nang matagal sa pamilya, nakatulong naman nang marami siyang nakasasalamuhang Filipino na nagtatrabaho rin doon. Ayon sa kanya ay kinikilala roon ang husay at katalinuhan ng mga Pilipinong propesyunal sa nasabing bansa.

Masasabing tagumpay ang masasalamin sa buhay ni Johnny, isang mukha ng buhay na laging nais makita at makamit ng bawat isa sa atin.

Lungkot, saya, hinagpis, galit at maraming pang iba ang lahat ng ito ay mga mukha at katotohanan na dapat nating makita, maranasan at masaksihan, upang higit tayong maging matatag sa pakikibaka sa buhay at landas na ating tinatahak- Nothing is really wasted when it comes to experience.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply