Naging hamak na sastre si Manny Pacquiao!

ALAM n’yo na bang naging sastre (tailor, o lalaking mananahi) pala noon si Manny Pacquiao bago siyang naging local title-holder (at sa paglaon ay phenomenal world boxing champ)?

Nagtrabaho si Manny sa isang clothing company na gumagawa ng mga uniporme ng mga atleta at militar, at ayon sa kanya mismo, isa sa mga natahian n’ya ng uniporme ay ang naging Olympic medalist sa boksing na si Onyok Velasco.

Napag-alaman namin ang pagiging ex-tailor ni Pacquiao nung napanood namin siya na iniinterbyu ni Karen Davila para sa ANC ng ABS-CBN.

Panandalian n’yang ikinuwento ang buhay na napagdaanan n’ya at isa nga ru’n ay ang pagiging mananahi n’ya.

Kaya sa mga tailor ngayon na ang pangarap talaga ay maging boksingero, bakit di kayo gumawa ng paraan para maituloy n’yo pa rin ang pangarap n’yo? Gawin n’yong inspirasyon si Manny na in million dollars na kung kumita ngayon.

At marami-rami naman palang batang tailors ngayon, yung nasa early 20’s pa lang at mero’n nga sigurong nasa late teens pa lang. Madalas kaming dumaan sa dalawang underpass sa C. M. Recto Avenue, Manila, yung malapit sa Far Eastern University, at halos lahat ng mga puwesto ru’n ay mga patahian ng uniporme ng mga estudyante dahil nga bahagi ng tinaguriang University Belt. Napuna naming marami ngang batang tailors ru’n.
Parang teenager pa lang si Manny nung naging tailor siya. Sixteen years old pa lang siya nung magsimula siyang manalo sa boksing. Ayon mismo sa kanya, dinaya lang n’ya ang kanyang edad nung kumuha siya ng lisensya sa Games and Amusement Board (GAB) para lumaban sa isang boxing event sa Bacolod City.

Nakaiskedyul na yung laban n’ya nung kumukuha siya ng lisensya at dahil 16 years old pa lang siya base sa kanyang birth certificate, nakiusap siyang pagbalik na lang n’ya buhat sa Bacolod dadalhin sa GAB yung kanyang birth certificate. Eighteen years old ang legal age, kaya kinailangan n’yang magsinungaling.

“Nanalo ako sa laban na yon at nabalitaan siguro ng GAB yon kaya hindi na nila finalow-up sa akin yong birth certificate ko,” nakangising pagtatapat ni Manny kay Karen.

Hindi n’ya binanggit kung sino yung tinalo n’ya pero nabanggit n’yang P2,000 lang ang prize money.

Totoo sigurong kapag may pangarap ka at di ka bumitiw du’n ano man ang kalagayan mo sa buhay, sooner or later ay matutupad din yon. Hindi lang naman si Manny Pacquiao ang nakagawa nu’n kundi marami pang iba.

Ang isang halimbawa’y ang double amputee (putol ang dalawang paa) na nag-qualify sa London Olympics, o ang bading na taga-Canada na nangarap maging lehitimong beauty queen, si Jenna Talackova.

Nineteen years old na si Jenna nung nagpaopera siya para maging babae.

Eventually ay naging Miss Canada siya at yun ang naging dahilan kung bakit bigla siyang naging controversial globally. Tinanggihan siya ng Miss Universe officials na makasali dahil ang nasa alituntunin daw ng global beauty contest na yon ay natural-born woman ang isang contestant, hindi isang lalaking naging babae.

Happily for Jenna, biglang pumapel ang bilyunaryong media mogul na si Donald Trump na siyang may-ari ng franchise ng Miss Universe. Ipinasya ni “The Donald” na tanggapin si Jenna sa Miss Universe basta lang daw makakuha ito ng legal recogniton mula sa gobyerno ng Canada na nagpapatunay na isa siyang babae.

Kung siseryosohin natin ang ating mga pangarap at hindi idadaldal lang, kung unti-unti natin itong pagtatrabahuhan, siguradong maaantig ang Panginong Diyos at paunti-unti nitong ipadadala sa atin ang lahat ng tulong na kailangan natin para matupad ang pangarap na yon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply