Nagpepenitensiya binalaan vs heat stroke

NANGANGANIB sa ‘heat stroke’ ang mga mananampalatayang nakaugalian nang magpenitensiya tuwing Semana Santa bilang paraan ng pagbabalik-loob sa Diyos.

Ito ang babala ng Department of Health (DOH) kasunod ng pormal nang pagsisimula nang paggunita ng mga Pinoy sa Mahal na Araw ngayong araw, kung kailan naging tradisyon na ng ilan na magpenitensiya pagsapit ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.

Ayon kay Dr. Lyndon Lee-Suy, program manager ng DOH-Emerging and Re-emerging Infectious Diseases, maaaring malagay sa panganib ang buhay ng mga magpepenitensiya partikular na kung hindi mag-iingat sa kanilang mga isasagawang aktibidad.

Sinabi ni Lee-Suy na isa lamang sa maaaring maglagay sa alanganin sa buhay ng mga nagpepenitensiya ay ang ‘heat stroke.’

Ani Lee-Suy, napakainit ng sikat ng raw kaya ang mga nagpepenitensiya ay maaaring dumanas ng heat stroke.

Pinaalalahanan pa ng DOH official ang mga nagpepenitensiya na tukuyin kung lahat ng kanilang ginagawa ay bahagi pa ba ng penitensiya o hindi.

Nabatid na ang heat stroke ay nagaganap kapag nag-‘overheat’ ang katawan ng tao dahil sa init ng panahon at direktang pagkabilad sa araw, na hindi kayang palamigin ng pawis.

Ilan sa sintomas nito ay mainit at namumulang balat, pagkahilo, panghihina at pananakit ng ulo na maaaring magresulta sa mataas na lagnat na hanggang 41 C, mabilis na tibok ng puso, kumbulsiyon, pagdedeliryo at pagkawala ng ulirat kung hindi maaagapan.

Payo ni Lee-Suy, upang makaiwas sa heat stroke, dapat na limitahan ang pananatili sa labas ng bahay partikular kung napakainit ng panahon, uminom ng maraming tubig at umiwas sa kape, soda at alak, magsuot ng preskong damit at proteksiyon laban sa sikat ng araw.

Sakali naman aniyang dumanas na ng heat stroke ang isang tao ay kaagad na dalhin siya sa malilim na lugar o sa loob ng bahay, pahigain ng nakataas ang mga binti, alisin ang damit, at lagyan ng ice pack sa kili-kili, pulso, bukung-bukong at singit.

Nilinaw naman ni Lee-Suy na hindi lamang ang mga nagpepenitensiya ang nanganganib na tamaan ng heat stroke kundi maging ang mga taong nanonood ng mga nagpepenitensiya dahil nakabilad din naman ang mga ito sa sikat ng araw.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply