Nakaamba ang Spratlys war

SA mga sumusubaybay sa aking kolum dito sa Remate ay siguradong matatandaan nila na isinulat ko na ang potensyal ng Spratly Islands bilang susunod na flashpoint o mitsa nang labanan dahil na rin sa hindi pagkakaunawaan ng mga bansang umaangkin dito.

Noon pa man ay pinaalalahanan ko na ang ating mga government at military officials na paghandaan ang namumuong tensyon at napipintong komprontasyon sa pagitan ng Tsina at ibang mga bansang umaangkin doon.

Sa kasalukuyang pagpapakitang puwersa ng Tsina sa Scarborough Shoal na tinatawag nating Panatag island ay mukhang puwede kong sabihin na naging totoo ang analysis ko na posibleng magiging mitsa nang totohanang giyera ang Spratly islands.

Habang iginigiit natin na atin ang Scarborough dahil mas malapit ito sa ating teritoryo ay matibay naman ang paninindigan ng mga Intsik na kanila iyon na tinatawag nilang Huangyan dahil sila raw ang unang nakadiskubre ng nasabing lugar.

Marahil ay marami ang magtataka kung bakit kailangang pag-awayan ang mga isla sa Spratlys samantalang wala naman tayong pakinabang doon at karamihan pa ay lumulubog naman sa tubig pagdating ng high tide.

Ang sagot? Malaki kasi ang paniniwala ng mga siyentipiko at  explorer na bukod sa likas na yamang dagat ay nakaimbak din sa kailaliman nito ang mina ng langis at petrolyo na nagkakahalaga ng hindi mabilang na bilyon-bilyong dolyar.

At dahil papaubos na rin ang mga imbak ng langis mula sa mga bansang gaya ng Saudi Arabia at Russia ay hindi kataka-takang mas maging agresibo ngayon ang mga Intsik na humanap ng bagong pagkukunan ng nasabing produkto.

At ito nga ang pangunahing dahilan kung bakit ginagamit nila ang kanilang puwersa upang takutin ang iba pang mga bansa na may sakop din sa nasabing lugar.

Siyanga pala, ang Spratlys din ang pangunahing ruta ng mga barkong nagbibiyahe nang mga kalakal at pagkain sa iba’t ibang bansa.

Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit nais makopo ng Tsina ang buong Spratlys na sa bandang huli ay magiging dahilan para maging simula nang giyera na siguradong tatawaging “Spratly Islands war”.

At ang giyerang iyan ang dapat paghandaan ng Pinas dahil siguradong darating iyan kung hindi man ngayon ay sa mga susunod na taon.

Hindi na tayo dapat magpatumpik-tumpik pa dahil may kasabihan nga na “ang panahon ng kapayapaan ang pinakamagandang panahon para maghanda sa digmaan”.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply