Nakuhang yamang-dagat ng China bigong makumpiska ng Pinas

BIGO ang Pilipinas na makumpiska ang mga nakuhang yaman-dagat sa Scarborough Shoal ng Chinese fishing vessels, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa isang kalatas na ipinalabas ngayong araw, ikinalungkot ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na hindi nabawi ng Pilipinas mula sa Chinese vessels ang mga iligal na nakuhang corals at buhay na pating sa islang malapit sa lalawigan ng Zambales matapos na umalis ang mga nasabing barko sa kasagsagan ng pag-uusap ng dalawang bansa upang pawiin ang tensyon.

Ayon pa kay Del Rosario, iisa na lamang ang natitirang Chinese civilian ship sa lagoon at lahat ng fishing vessels na galing China ay nakaalis na kagabi (Biyernes, Abril 13).

Sa kanyang pakikipag-usap kay Chinese Ambassador Ma Keqing, sinabi ng kalihim na papayagan ng pamahalaang Pilipinas na makabalik sa China ang mga barko sa kondisyon na kukumpiskahin ng Philippine Coast Guard ang mga kinuhang yaman-dagat.

Gayunpaman, idinagdag pa ni Del Rosario na hindi sila nagkaroon ng malinaw na kasunduan ni Ma matapos sabihin ng punong opisyal ng pamahalaang China sa Pilipinas na kailangang dumaan sa pagsusuri ng Chinese authorities ang mga nasabing barko.

Inihayag din ni Del Rosario na patuloy na mamatyagan ng Pilipinas ang isla matapos na mauwi sa stalemate ang kanyang pakikipag-usap kay Ma kaugnay sa kung sino sa mga barko ng dalawang bansa ang unang aalis sa isla.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply