Namamatay sa sobrang init ng panahon

PATULOY ang pagdami ng mga namamatay dahil sa init ng panahon.

Bagama’t hindi sinasabi ng mga doktor na init nga ang ikinamamatay ng mga basta na lang kinukuha ni Lord sa mga araw na ito, ang sobrang init ng panahon talaga ang iniuugnay ng mga naulila sa kanilang mga magulang, anak, kapatid at iba pa.

Walang sinasabi ang mga doktor dahil hindi na nagpapa-awtopsiya ang halos lahat ng namamatayan.

Malaking gastos nga naman ang pagpapa-awtopsiya. Mahal maningil ang mga doktor at pulis na nagsasagawa nito.

Minabuting ilaan na lang ng mga naulilang pamilya ang kanilang kaunting panggastos sa pagbili ng kabaong, tsibug sa lamay, paglalakad ng mga papeles sa paglilibing, pa-siyam at pa-40 days.

Lalong hindi nagpapa-awtopsiya ang mga pamilya na iniaasa sa tong-its, saklang patay at limos ng mga politiko at kapitbahay, kamag-anak ang gastusin sa paglalamay at paglilibing.

oOo

Pero balik tayo sa panahon, Suki.

Sa pag-iikot natin sa mga namamatayan  ngayon, nakararami sa kanila ang mga senyor sitisen o nakaabot na sa edad na 50 pataas.

May sakit ang mga ito  sa puso, hayblad, diabetes at iba pa.

Dahil sa sobrang init, hindi namamalayan ng mga biktima na nasesekon o nateterd atak na pala sila sa puso o hayblad at doon namamatay ang kanilang kandila sa harapan ni San Pedro.

Doon din sila inaatake ng diabetes at kung ano-ano pang mga sakit.

‘Yung iba naman, sa kagustuhan na lumamig ang mga katawan, basta na lang sila naliligo kahit umuusok ang mga katawan sa init.

Hayun at sinasabing napapasma sila na sanhi ng mabilis nilang pagbabalik sa alikabok.

Mag-ingat sa init ng panahon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply