NDRRMC hugas-kamay sa paglikha ng panic sa NoKor rocket

HUGAS-KAMAY ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) makaraang batikusin ng ilang militanteng grupo kaugnay sa kanilang waring pagpapa-panic sa mga Pinoy hingil sa napipintong satellite rocket launch na nakatakdang gawin ng North Korea.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, hindi sila nag-o-over react sa plano ng North Korea subalit gusto lamang nilang tiyakin ang kapakanan ng mamamayan na maaaring maapektuhan sa rocket launch.

Ipinaliwanag ni Ramos na nagbibigay lamang sila ng babala sa publiko upang makaiwas sa debris na posibleng tumama sa bansa.

Sa kabila nito, muling pinaalalahanan ng NDRRMC ang mga residente sa Northern Luzon na dapat maging alerto para sa napipintong rocket launch mula Abril 12 hanggang 16, mula alas-6:00 ng umaga.

Una rito, binatikos ng ilang militanteng grupo ang paglikha ng panic o pangamba ng gobyerno at NDRRMC dahil sa pagtaas ng red alert status at sunod-sunod na babala kaugnay sa nasabing rocket launch.

Nilinaw ng NDRRMC na ang panganib na posibleng idulot ng mga babagsak na debris mula sa missile launch ng North Korea ang dahilan ng kanilang ipinalabas na advisory at hindi ang nuclear threat na dala nito.

Ayon kay Ramos, sinabi nitong walang dalang nakalalasong kemikal ang missile na pakakawalan ng North Korea na magiging banta sa kalusugan.

Nilinaw din ni ni Ramos, na mas pinangangambahan nila ang mga babagsak na debris mula rito kaya ipinayo nila na iwasan ang paglabas ng bahay ng mga residente sa Regions 1, 2, 3, 4-A at 4-B, gayundin sa Metro Manila simula Abril 12-16, alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Ayon pa kay Ramos, mahigpit ang kanilang mga babala bunsod na rin ng kawalan ng ilang partikular na impormasyon sa pakakawalang missile gaya na lamang ng kung gaano ba kataas ang magiging lipad nito.

Dahil dito, patuloy ang paalala ni Ramos sa “no-fly zone, no-sail zone at no-fishing zone lalo na sa mga  bayan at lalawigan ng Buguey, Gonzaga at Sta. Ana sa Cagayan; Palanan, Maconacon, Divilacan at Dinapigue sa Isabela; Casiguran, Dilasag, Dinalungan, Dipaculao, Baler at Dingalan sa Aurora; Real, Infanta at General Nakar sa Quezon hanggang sa area ng Camarines Sur at Camarines Norte.

Sakali naman na may matagpuan na mga debris mula sa missile, sinabi ni Ramos na hindi ito dapat hawakan at sa halip ay agad itong ipagbigay-alam sa awtoridad.

Maaaring tumawag sa mga sumusunod na hotline numbers: 9111406,9122665, 9125668, 9120441, 9125947 at 9122424.

Samantala, bumuo na ng dalawang grupo ang Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na susuri sa debris na maaaring bumagsak sa teritoryo ng Pilipinas.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply