‘No gun zone’ ipatutupad ni Mujiv sa ARMM

COTABATO CITY – Magpapatupad ng “no gun zone” si Regional Governor Mujiv Hataman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa loob ng Regional Complex kung saan naroon ang tanggapan ng ARMM.

Ipinahayag ito ng Chief of Staff ni Hataman na si Amihilda Sangcopan-Abdulhakim kasabay ng pagdiriwang ng ika-100 araw ni Hataman bilang gobernador ng ARMM bukas, Lunes, Abril 16.

Inaasahang dadaluhan ito ng mga gobernador, kongresista at mga lokal na opisyal ng mga lalawigang sakop ng ARMM.

Sinabi ni Sangcopan na makabubuting ipatupad na ang “no gun zone” upang matiyak ang katiwasayan ng pagdiriwang at upang maipakita ang pagsunod mula sa mga opisyal ng ARMM.

Ang “no-gun zone” policy sa loob ng ARMM complex ay simula lamang bukas subalit magtutuloy-tuloy na ito at lahat ng mga panauhing dadalo kahit pa ang mga politiko ay hindi pahihintulutang magdala ng armas sa loob ng compound.

Giit pa ni Sangcopan, magandang panimula aniya ang gagawin bukas na “no gun zone” upang ipakitang sinsero si Hataman sa programa niyang disarmahan at ipatupad ang de-militarisasyon bilang pagsusulong sa kapayapaan at kaayusan sa ARMM.

Maging si Governor Hataman ay nakagagala sa ilang lugar hindi lamang sa Mindanao at Maynila nang walang bodyguard.

Sa kanyang 100 araw bukas, inaasahang iuulat ni Hataman ang accomplishments nito mula nang siya ay maluklok sa pwesto at kung ano pa ang mga ipatutupad niyang programa.

Si Hataman, dating kinatawan ng Anak Mindanao Partylist ay personal na itinalaga ni Pangulong Aquino upang maging katuwang niya sa pagpapanatili ng kapayapaan sa ARMM.

Kabilang sa mga programa ni Hataman ay ang reporma at ang pagbuwag sa katiwalian sa rehiyon, proteksyon sa kalikasan at ang peace and order.

Kabilang sa inaasahang dadalo ay si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na kahit hindi kabilang sa ARMM ang kanyang distrito ay nagpasabi na ng kahandaan ng kanyang pagsuporta kay Hataman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply