‘No take policy’ sa Task Force REACT – Biazon

“NO TAKE POLICY!”

Ito ang marching order ni Customs Commissioner Ruffy Biazon sa kanyang bagong tatag na anti-smuggling at revenue enhancement task force o Task Force REACT.

Hindi aniya dapat papasilaw sa kinang at udyok ng salapi ang bagong tayong grupo na naglalayong tumulong upang maitaas ang revenue collection at masawata ang katiwalian at ang talamak na smuggling sa mga pantalan.

Sa bisa ng Customs Special Order 17-2012 na nilagdaan ni Biazon noong March 27 ng kasalukuyang taon, nakapaloob dito ang ilang mahahalagang kapangyarihan na kahalintulad nang sa mga dating binuwag na anti-smuggling group.

Katulad ng pag-iisyu ng clearance para sa mga imported na kalakal, pag-iisyu ng alert o hold order sa mga kahina-hinalang kargamento na tahasang lalabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP).

Binibigyan din ng karapatan ang grupo na tumayo at irepresinta ang pangalan at tanggapan ng kumisyuner sa pagsasagawa ng eksaminasyon ng mga bagahe at imported na cargo.

At higit sa lahat, ang kapangyarihan  na mag-enlist ng mga personnel mula sa iba pang ahensya ng gobyerno na makatulong sa pagsugpo ng smuggling at ibang uri ng katiwalian sa BoC.

Ayon kay Task Force REACT head Teddy Sagaral, mahigpit ang bilin ni Biazon sa bagong grupo upang matulungan ang gobyerno na maiangat at maging epektibo ang pagkolekta ng tamang buwis at mabawasan ang lumolobong collection deficit.

Magugunita na naging battle cry din ng grupo ng Gen. Danny Lim ang “no take policy” mula nang umupo sa katungkulan bilang Deputy Commissioner for Intelligence Group noong nakaraang taon.

Subalit nagpahayag naman ng pagkabahala ang ilang customs insider na maaaring tuluyan nang mawalan ng buffer o pananggalang ang tanggapan ni Biazon kapag direktang nasangkot sa katiwalian ang isa man sa mga tauhan ng bagong task force at direktang makasisira sa kanyang imahe at sa programang tuwid na daan ni Pangulong Noynoy Aquino.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply