OFW na nilamog ng mag-asawang amo inayudahan

NAKATAKDANG tulungan ng embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang isang overseas Filipina worker (OFW) na tumakas sa kanyang amo matapos dumanas ng pagmamaltrato sa mag-asawang employer.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), tumakas ang Filipina Household Service Worker (HSW) noong isang linggo dahil hindi na nakayanan ang ginawang pang-aabuso sa kanya ng mga amo.

Ayon pa sa OWWA, kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa rehiyon ng Jeddah ang OFW na kinilala lamang sa palayaw na ‘Sonia’ at tubong Mindanao.

Sinabi naman ni Consul General Uriel Norman Garibay, magsasampa ng kaukulang kaso ang Pilipinas laban sa mga amo ng OFW sa sandaling matapos na ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakatakas lamang ang minaltratong OFW nang iwang bukas ng mga amo nito ang pinto ng tinutuluyang bahay.

Agad na sumakay sa taxi ang pasa-pasang OFW at nagpahatid sa isang shopping mall kung saan nakakita ang Pinay ng mga kababayan na siyang tumulong sa kanya upang magsumbong sa pulisya at madala sa ospital.

Ayon pa sa biktima, mahigit isang taon siyang hindi pinasahod ng kanyang amo subalit pinapipirma siya ng isang kasulatan na nagpapatunay na  tinatanggap niya ang kanyang sweldo buwan-buwan.

Aniya, halos araw-araw ang ginagawang pambubugbog sa kanya ng mag-asawang amo sa tuwing uutusan siya ng mga ito.

Hindi rin umano siya pinapakain ng amo at tubig lang ang binibigay sa kanya sa loob ng 14 na buwang paninilbihan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply