P60-M agri projects ikinasa para sa katutubo, magsasaka sa Zambales

MAY dahilan na ngayon ang mga katutubong Aeta ng Barangay Villar, Botolan, Zambales na bumalik sa lupain ng kanilang mga ninuno na pansamantalang nilisan nila bunsod ng pagsabog ng Mt. Pinataubo noong 1991.

Isang bagong sistema ng irigasyon ang inilaan sa kanila ng pamahalaan na bahagi ng iba’t ibang proyektong pansakahan na nagkakahalaga ng P60 milyon na nakatakdang ibigay ng Department of Agriculture (DA).

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Proceso J. Alcala ang pagbibigay sa nasabing irrigation system na binubuo ng novel ram pump, mga tubo at hose, at reservoir ng tubig. Ginanap ito nang bumisita ang kalihim sa nasabing lalawigan noong Marso 23 at 24.

Para umano ito sa Aetas o katutubo, magsasaka, taumbayan sa kanayunan, at lokal na pamahalaan sa Zambales.

Kakayanin umano ng ram pump na magpatubig ng hanggang 200 ektaryang sakahan na mapakikinabangan ng mahigit 890 pamilyang Aeta, na karamihan ay nagtatanim ng mga halamang-ugat tulad ng luko, kamote, at mga gulay tulad ng kalabasa, kamatis, talong at saging.

Magbibigay din ang kalihim sa komunidad ng mga katutubo ng dalawang kalabaw na may kumpletong gamit sa pagsasaka.

Sinabi rin ni Secretary Alcala na ang malaking bahagi ng naturang pondo ay ipangtatayo at ipang-aayos sa walong communal o pump irrigation projects (CIPs/PIPs), na kinabibilangan ng: Naglabusan PIP sa San Marcelino; East Danita CIP sa San Antonio; Lipay-Cabatuan at Marangla PIPs sa Iba; Libertador PIP sa Candelaria; Grullo at Paete-Balincaguing CIPs, sa San Narciso; at Salaza-San Lorenzo CIP na sineserbisyuhan naman ang Masinloc at Palauig.

Dumalo rin ang kalihim sa tatlong magkakahiwalay na pagpupulong kasama ang mga magsasaka, mangingisda at ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Botolan at San Felipe at namahagi rin ng iba’t ibang mga bagay na mapakikinabangan sa pagtatrabaho sa bukid at karagatan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply