P9B inilaan sa kahirapan

DESIDIDO si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, III na sugpuin ang kahirapan sa bansa at ito ang dahilan upang maglaan ang administrasyon nito ng halagang P9 bilyon para matugunan ang pangangailangan ng mahihirap nating kababayan.

Sa pamamagitan ng halagang ito ay mabibigyan na ng sapat na kalinga ang mga mahihirap nating kababayan upang maihango ang mga ito sa nararanasang kahirapan na matagal na ring problema ng ating estado.

Dahil sa paglalaan ni Pangulong Aquino ng malaking pondo para sugpuin ang kahirapan ay posibleng hindi magtatagal ay mababawasan na ang bilang ng mga kababayan nating nakararanas ng gutom.

Samantala, maglalaan naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng medical at health assistance para sa 8,000 centenarian o iyong mga kababayan nating umabot na sa edad na 100 taong gulang.

Sinusuportahan din ng DSWD ang House Bill No. 834 na mas kilala sa “Centenarians Act of 2010” kung saan ay sinasabi na dapat na bigyan ng cash gift na may halagang P100,000 ang mga Filipinong aabot sa edad na 100 kasabay ng congratulatory letter na magmumula sa tanggapan ng Pangulo.

Bukod dito, layunin din ng naturang house bill na ma-bigyan pa ng karagdagang cash reward ang mga Filipinong aabot ng edad na 100 na magmumula naman sa lokal na pamahalaan kung saan ito naninirahan.

Kasama rin dito ang 50 percent discount at ang exemption sa Value Added Tax (VAT) at ang pagbibigay ng posthumous plaques of recognition para sa namatay na centenarian na ibibigay sa pinakamalapit nitong kamag-anak na nabubuhay.

Napag-alaman pa na base sa tala ng National Statistics Office (NSO), umaabot sa 8,000 Filipino ang may edad na 100 pataas habang ang life expectancy ng mga Pinoy ay umaabot lamang sa 71 taong gulang.

Idinedeklara rin sa house bill na ito na ang September 25 ng bawat taon bilang National Respect for Centenarians Day.

Ito ang paraan ng pagkilala ng ating gobyerno sa mga Filipinong umabot sa edad na 100 pataas.

Sa pamamagitan din nito ay mararamdaman ng mga centenarian na binibigyan sila ng importansiya ng gobyerno at matulungan din ang mga ito para sa kanilang medical at health assistance nang sa gayon ay mapahaba pa ang buhay ng mga ito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply