Pabasa, senakulo at pinetensya

TUWING panahon ng Mahal na Araw (Holy Week) nagsasagawa ng “pabasa” o pasyon ang mga Kristiyanong mananampalataya.

Nagtatayo ng altar o kaya naman sa maliit na kapilya na palilibutan ng mga bulaklak at kandila.

Sa pabasa, binabasa nang paawit ng mga deboto ang mahabang pasyon ni Hesukristo. Ang pasyon na ito ay nasa anyong patula na hango sa Bibliya ng mga Katoliko Romano.

Pangungunahan ito ng isa habang ang mga taga-sagot ay aawit nang sabay-sabay sa saliw ng lumang tugtog o melodiya.

Pwede itong sabayan ng piano o kaya naman ay gitara.

Magdamag ang pabasa, na halimbawa ay nagsimula ngayong alas-sais ng gabi at matatapos kinabukasan ng alas-tres ng hapon.

Hindi ito pwedeng ihinto at dapat na tuluy-tulo,y ayon sa mga matatanda na matagal nang nagsasagawa ng pabasa.

Hindi rin puwedeng tulugan ang pabasa. Kung hindi na kaya ng isang batch ay dapat na palitan sila ng isa pang batch.

Ngayon, may mga kabataan na nagpapauso ng ibang istilo ng pabasa. Kung saan pinabilis nila o tila “rap” ang pag-awit sa pasyon ni Hesukristo.

Mariin itong tinutulan ng marami sapagkat hindi umano tugma ang modernong tugtugin sa tradisyonal na pasyon ni Hesukristo, kung saan nakasaad ang kanyang mga pasakit para iligtas ang sanlibutan.

Senakulo

Ang Senakulo ay ginaganap sa lansangan o entablado. Ito ang pagsasadula sa mga pangyayari ukol sa dinanas ni Hesukristo bago at pagkatapos na Siya ay ipako sa Krus.

Gaya ng pasyon ito ay hango rin sa Bibliya at iba pang tekstong apokripa.

Sa Pilipinas kilala ang Pista ng Moriones o ang pinakasikat na pagsasagawa ng senakulo.

Pinetensiya

Ang penitensiya ay may ilang tipo, ang paghahagupit ng latigo sa harap ng maraming tao at pagpapapako sa krus ang pinakapangkaraniwan dito.

Pagsasadula rin ito ng pagpapahirap at pagkamatay ni Kristo nang ipako Siya sa Krus.

Panata ito ng maraming Katoliko gaya ng mga naibabalita sa telebisyon ng gingawa sa Pampanga at Rizal.

Ang Pampanga, ay taun-taong dinarayo ng mga turista upang masaksihan ang pagpapapako ng mga deboto sa krus.

Ayon sa mga gumagawa nito, ito ang kanilang paraan para magpasalamat sa mga biyayang natamo nila sa Maykapal at paghingi na rin ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan.

Sa paglalatigo, mapapansin ang mga deboto ay nakasuot lamang ng pantalon habang may takip naman ang mukha. Nagsusuot ng koronang tinik sa ulo at hinahagupit ng latigo na may mga pako sa dulo ang katawan.

Marami ring tutol dito lalo na ang CBCP o samahan ng mga obispo sa bansa. Anila, hindi na dapat ginagawa ang pinetensiya at pagpapapako sa krus dahil nagawa na ito ni Hesukristo.

Pinayuhan nila ang mga deboto na magnilay, magdasal at humingi ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan, at alagaan ang katawan na ipinagkaloob ng Maykapal.

Tuwing Biyernes naman nagsasagawa ng malaking prusisyon ang maraming lungsod o bayan sa Pilipinas. Sa Bibliya, araw ng Biyernes namatay si Kristo. Dito dadalo ang bawat pamilya sa prusisyon ng mga santo na nakalagay sa mga karosa. Habang naglalakad ay sinasabayan ito ng pagdarasal.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply