Pagbuwag sa kolorum sa MM muling iginiit

MULING nangalampag ang House Committee on Metro Manila Development sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na buwagin ang mga nagkalat na kolorum na sasakyan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Sinabi ni San Juan Rep. Joseph Victor Ejercito, Chairman ng Committee on Metro Manila Development na matagal na nilang inirereklamo ang naturang mga colorum na sasakyan ngunit mabagal ang pagtugon dito ng LTFRB at LTO.

Aniya, dapat pang tawagin paulit-ulit ang atensyon ng mga ito para lamang kumilos at aksyunan ang matagal ng problema sa trapiko sa bansa.

“Dapat tanggalin ang mga colorum na mga bus at jeepney sa lansangan. Dati pa yan naming sinasabi sa LTFRB at LTO na hindi yata umaaksyon,” ani Ejercito.

Kasabay nito, tinutulan ni Ejercito ang isa pang plano ng MMDA na pagsasara sa may 10 U-turn slot para daw mabawasan ang bigat ng trapiko sa mga lansangan ng Epifanio Delos Santos Avenue (Edsa), Libis at Quezon Avenue.

Ayon kay Ejercito, depende sa magiging resulta ng nasabing plano ngunit kung ngayon na nakatatanggap na ng mga reklamo tungkol sa plano ng ahensya ay posibleng magpalala lamang ito sa trapiko.

Dagdag pa ng mambabatas na sa pagbubukas ng sesyon sa Mayo 7 ay balak niyang talakayin ang nasabing plano ng MMDA upang mapag-usapan kung ano ang nararapat na solusyon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply