Pagdinig naudlot, Abalos nagngitngit na sa galit

MULI na namang nagngitgit sa galit si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, Sr. nang muling mabimbin ang pagdinig sa hirit niyang makapaghain ng piyansa sa kinakaharap ng kasong electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) kaninang umaga.

Ito’y makaraang katigan ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112 na huwag munang maisalang bilang testigo ang akusadong si dating North Cotabato Provincial  election officer Atty. Yogie Martirizar hangga’t hindi nareresolba ang inihain nilang mosyon na ma-discharged siya bilang akusado.

Ang kahilingan na maalis bilang akusado sa kaso si Martirizar ay inihain ng kanyang abogadong si Atty. Nena Santos at ng taga-usig ng Department of Justice upang magamit siya bilang testigo na magtuturo kay Abalos na nagmanipula umano sa resulta ng halalan noong taong 2007.

Mariin naman itong tinutulan ni Abalos at sinabing malaki ang pananagutan ni Martirizar dahil siya ang gumawa ng manipulasyon sa resulta ng halalan. Buwelta naman ni Atty. Santos, ang isyu ay pagsasabuwatan at ang personal na kaalaman ng kanyang kliyente sa nangyaring dayaan.

Ilang ulit namang pinahupa ng mga kaanak at abogado ang galit ni Abalos na hindi naitago ang sama ng loob dahil sa muling pagkakabimbin sa kanyang hirit na makapaglagak ng piyansa.

Binigyan naman ni Judge Mupas ng limang araw ang panig ng taga-usig, ng depensa at ng abogado ni Martirizar upang magsumite ng sabay-sabay nilang komento upang makapaglabas na siya ng resolusyon.

Sinabi ni Mupas na kahit ibasura o katigan ng Comelec en banc ang hirit na ma-discharged bilang akusado sa kaso si Martirizar, hindi ito makakaapekto sa ilalabas niyang desisyon sa oras na mapag-aralan na ang ibibigay ng komento ng magkabilang panig.

Plano naman ni Atty. Roberto Fermejo, abogado ni Abalos na dalhin na sa Court of Appeals ang hirit nilang makapaglagak ng piyansa ang kanyang kliyente upang mapagkalooban ng pansamantalang paglaya.

Mistula ring nagsumbong si Abalos sa daan-daan niyang supporters na sumugod sa harapan ng Pasay City Hall of Justice at tinanong kung sasamahan siya sa kanyang laban dahil hindi siya makasilip ng katarungan sa korte.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply