Pagiging state witness ng 2 akusadong Comelec execs tinutulan

MARIING tinutulan ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel ang plano ng Department of Justice na ibasura ang kasong electoral sabotage sa Comelec officials para gawing state witness laban kay dating Comelec chairman Benjamin Abalos kaugnay sa nakabinbing election fraud case sa Pasay City court.

Ito ay makaraang kumpirmahin ni Justice Secretary Leila de Lima na kinokonsidera nito na gawing state witness sina Lilian Suan Radam at Yogie Martirizar.

Personal na inihain ni Pimentel ang kasong kriminal sa dalawang abogado ng Comelec na sina Radam at Martirizar na sangkot umano sa pamemeke ng boto sa Cotabato na naging dahilan para iproklama si dating Senador Juan Miguel Zubiri sa 2007 senatorial elections.

Si Radam ay dating provincial election supervisor sa South Cotabato samantalang si Martirizar ay dating election supervisor sa North Cotabato.

Iginiit ni Pimentel na walang dahilan para ibasura ang kaso laban sa dalawang nasabing abogado dahil sa naging partisipasyon nito sa pandayara sa 2007 elections.

Tinukoy ni Pimentel na 11 counts ng electoral sabotage ang inihain niya laban kay Radam at Martirizar na kung saan ipinag-utos pa ng korte ang pag-aresto sa mga ito makaraang magtago sa batas ng apat na taon.

Gayunpaman, mariing pinabulaanan ni Comelec Chairman Sixto Brillantes at Commissioner Rene Sarmiento na pinawi-withdraw nila ang kasong electoral sabotage laban sa dalawang abogado.

DOJ nanindigan sa electoral sabotage case ni Abalos

Nanindigan si Justice Secretary Leila de Lima na may karapatan ang Department of Justice na manghimasok sa electoral sabotage case na kinahaharap ni dating Comelec chairman Benjamin Abalos.

Tugon iyan ni De Lima sa paratang ng abogado ni Abalos na si Atty. Brigido Dulay na ginigipit niya ang Comelec para iatras ang kaso laban sa mga kapwa akusado ni Abalos na sina dating North at Cotabato Election Supervisors Atty. Liliam Radam at Yogie Martirizar.

Iginiit ni De Lima na hindi maaaring manahimik lang ang DOJ dahil katuwang sila ng Comelec sa pag-prosecute ng kaso.

Para umano sa DOJ, kinakailangang iatras ang kaso laban sa maliliit na isda na sina Radam at Martirizar para mapalakas ang kaso at matiyak na mananagot sa batas ang mas malaking isda na si Abalos.

Naniniwala si De Lima na malaki ang maitutulong ng testimonya nina Radam at Martirizar para madiin si Abalos dahil sila pa lang ang direktang nakapagtuturo na may kinalaman ang dating Comelec chairman sa umano’y dayaan sa eleksyon noong 2007.

Sinabi rin ng kalihim na nagkausap na sila sa telepono kaninang umaga ni Comelec Chairman Sixto Brillantes at tinatalakay pa rin ng Commission en banc ang sitwasyon nina Radam at Martirizar.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply