Pambabato sa mga sasakyan sa NLEX iniimbestigahan

INIIMBESTIGAHAN na ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) ang report na may mga naghahagis ng bato sa mga sasakyan sa gilid ng NLEX.

Sa report, binato ang isang Partas Bus at nabasag ang salamin sa pagitan ng Meycauyan, Bulacan at Valenzuela.

Ayon sa driver ng bus, tatlong lalaki ang bumabato sa mga dumadaang sasakyan, na mabilis na tumakbo matapos tamaan ang target.

Ginalugad naman ng NLEX security ang lugar at kinausap ang mga residente ngunit hindi nila nahuli ang mga nambato.

Dahil dito, nagbabala ang NLEX Management na papatawan nang mabigat na parusa ang mga salarin.

Nakakalat na rin ngayon ang road security ng NLEX upang tiyakin ang seguridad ng mga motorista.

Bukod dito, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga opisyal ng barangay para makipagtulungan.

Samantala, normal pa rin ang daloy ng mga sasakyan sa NLEX subalit nagdagdag sila ng mga ambulant teller o nangongolekta ng toll upang mapabilis ang pila sa mga toll plaza.

Ipinaalala rin nilang mas makabubuting ihanda ang eksaktong bayad para maiwasan ang abala.

Personal din umanong mag-iinspeksyon si Toll Regulatory Board (TRB) Director Edmund Reyes sa traffic control room ng NLEX.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply