Pamumutol ng puno sa SM Baguio ipinatigil agad

UPDATE: MABILIS na tumugon si Environment and Natural Resources Secretary Ramon J.P. Paje sa panawagan ng mga kabataan na ipatigil ng ahensiya ang pagpuputol ng puno sa SM Baguio.

Kaninang umaga lamang, nagpalabas kaagad ng direktiba si Paje sa mga opisyal ng DENR-Cordillera Administrative Region (DENR-CAR) na nag-aatas na ipatupad ang court order na nagpapatigil sa pagputol, paglilipat at pagbunot ng mga puno sa lupa sa nasabing lugar.

Inisyu ni Paje ang kautusan kay DENR-CAR Executive Director Clarence L. Baguilat matapos ang tatlong araw na temporary environmental protection order (TEPO) na ipinalabas ni Baguio City Regional Trial Court Branch 5 Judge Cleto R. Villacorta III.

Kinilala ng kalihim ang pag-iisyu ng TEPO na alinsunod sa patakaran at proseso ng pagdinig sa mga kasong may kaugnayan sa kalikasan na binalangkas ng Korte Suprema upang maipatupad ang mga batas para rito.

Napag-alaman din na nakasaad sa TEPO na ipinababalik ang pagdinig ng kaso sa regular na hukumang pangkalikasang nauna nang may hawak nito.

Habang isinusulat ang balitang ito, 40 Alnus at isang Benguet pine tree na ang napaulat na naputol o nailipat mula sa Luneta Hill.

May kabuuang 182 mga puno ang naimbentaryo para putulin, ilipat o palitan mula sa nasabing lugar na kinatirikan nito upang magbigay-daan sa pagpapalawak ng SM City Baguio na nangakong magtatanim ng 50,000 puno kapalit ng puputuling mga puno.

Subalit, mariin itong tinututulan ng iba’t ibang sektor kung saan sa parehong araw, bago ipahayag ni Paje ang pagbibigay niya ng direktiba sa DENR-CAR, nagprotesta nga ang Kabataan Partylist kasama ang sari-saring grupong kabataan sa harap ng pambansang tanggapan ng DENR.

Nabatid mula sa Kabataan Partylist na sa isang memorandum na may petsang Oktubre 17, 2011, lumalabas na binigyan ni Paje ng pahintulot ang DENR regional office sa Cordillera Administrative Region (CAR) na mag-isyu ng permit upang maputol o mailipat ng lugar ang mga puno na pabor sa kagustuhan ng SM Development Corporation (SMDC) na nakatakda ngang magpalawak ng kanilang higanteng mall sa nasabing siyudad.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply