‘Pangongotong’ nilinaw ng BOCEA-NAIA

NILINAW ng Bureau of Customs Employees Association (BOCEA)-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) chapter na hindi nila kinokotongan ang foreign airlines kundi naniningil lamang sila para mabayaran ang kanilang overtime.

Ayon kay Ferdinand Parayno, pangulo ng BOCEA-NAIA, umaabot sa P200,304,243,60 ang kabuuang halaga ng overtime pay na hindi pa nababayaran ng foreign airlines sa BOC-NAIA mula taong 2005.

Ang tanging nagbabayad lang aniya sa airport customs ay ang local airlines na katulad ng Cebu Pacific, Philippines Airlines at AirPhil Express, at ang dalawang foreign airlines na Jet Star ng Singapore at Jeju Air ng Korea.

“Masakit isipin na matagal na naming hinihintay na mabayaran kami ng airlines, tapos palalabasin pa kaming nangongotong sa kanila,” ani Parayno, inspector na nakatalaga sa BOC-Aircraft Operations Division.

Umalma ang BOCEA kaugnay sa statement kamakailan ng Board of Airline Representatives (BAR) na maaari raw kasuhan ang airport customs sanhi sa hindi pagre-remit ng mahigit sa P2 bilyon public funds sa national treasury na kanilang nakolekta sa international airlines.

Anila, walang basehan ang pahayag ng BAR dahil ang kaso ay kasalukuyan pang nasa Supreme Court kung saan ang BAR ay kasalukuyang naghahabol at nagpetisyon ng motion for reconsideration makaraang pumabor ang high tribunal sa BOC.

Sa naging pahayag ng BAR laban sa airport customs, nagbabayad ang airlines sa pamamgitan ng check payments diretso sa collector of customs para sa overtime services mula pa noong 1990s.

Inakusahan ng BAR ang customs sa airport na inabuso nito ang pagkolekta ng overtime fees, dahil sinisingil din sila ng customs para sa meal at transportation allowances ng mga taong nago-overtime.

Ipinaliwanag ni Parayno na ang meal at transportation allowances ay kasama na sa P32 overtime rate na kanilang tinatanggap ilang taon na ang nkalilipas.

Noong 2005, nag-request ang BOC-NAIA sa airlines na gawing standard rate ang kanilang overtime pay mula P25 hanggang P50, dahil sa panahong iyon ang dollar rate ay P50 to $1.

Ang perang ibinabayad sa mga tao ay tinawag nilang “trust fund.”

“Hindi nga namin lubos maisip kung anong malversation ang sinasabi ng BAR. Samantalang hindi sila nagbabayad ng overtime,” anang Parayno.

Sa pahayag pa ni Parayno, ang isang kawani ng gobyerno ay nagtatrabaho lamang sa loob ng walong oras, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at kung sosobra ay pasok na sa overtime.

Ang billing, ayon sa BOCEA president, ay ipinadadala kada buwan sa airlines, at ito ay masusing pinag-aaralan at itinatama bago mag-isyu ang airlines ng tseke para sa customs personnel.

Kaya aniya ay hindi dapat kwestyunin ng BAR ang pondo dahil ito ay mula sa pribadong kumpanya na ibinabayad lamang sa mga indibidwal na nag-overtime sa airport.

Nagsimula lamang ang gulo noong 2005 makaraang subukan ng airport customs na taasan ang overtime fee mula P25 hanggang P50, dahil sa dollar rate noon.

“Dito na nagkagulo-gulo,” anang Parayno.  Ayon pa sa kanya, dinatnan na niya ito sa BOC na ang airlines ay mahigit 30 taon nang nagbabayad ng overtime sa mga kawani ng customs sa paliparan.

Ayon pa sa BOCEA, noong 2009, tuluyang inihinto ng BAR ang pagbabayad sa kanilang overtime, meal at transportation allowances matapos manalo sa Court of appeals, kaya napilitan ang BoC na iaakyat ang kaso sa Supreme Court hanggang sa katigan sila at ang BAR naman ang naghahabol.

Noong panahon ni dating Customs Commissioner Angelito Alvarez, iminungkahi nito na magkaroon ng tatlong shifting ang mga kawani ng BOC sa NAIA upang maiwasan ang overtime services sa airlines at para na rin matapos ang “alitan” ng BOC at BAR.

Subalit ang planong pagsi-shifting ay hindi naipatupad dahil na rin sa kakulangan ng manpower.

May limang division ang BOC sa airport na nagre-render ng overtime. Ito ay ang arrival operations division, may 68 katao; departure operations division, 18 katao; baggage assistance division, 8; export division, 25 ; at aircraft operations division, 77; na umaabot sa kabuuang 196 personnel.

Dagdag pa ni Parayno, kung talagang gustong ipatupad ng gobyerno ang tatlong shifting sa airport customs, mangangailangan ito ng karagdagang 1,094 personnel at pondo na aabot sa P274,342,159.00 kasama na ang basic plus 13th month pay.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply