Parola sa Scarborough Shoal itatayo ng PCG

NAKATAKDANG magtayo ng parola ang Philippine Coast Guard sa Scarborough Shoal upang mapatatag pa ang teritoryo ng Pilipinas sa naturang lugar.

Ito ang inihayag ni Senador Loren Legarda, chair ng Senate committee on foreign relations.

Ipapasok niya sa panukalang budget ng PCG para sa taong 2013 ang pondo para sa pagpapatayo ng light house o parola sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na sa pinag-aagawang Scarborough Shoal.

“I’m certain will probably agree that we include that in the GAA (General Appropriations Act) under the budget of the Coast Guard to rebuild a light house. We must rebuild all lighthouses around the country including those in Zambales,”wika ni Legarda sa hearing ng kanyang komite hinggil sa isyu ng Scarborough Shoal at iba pang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea).

Naungkat naman sa hearing na noon pang taong 1965 natayuan ng parola ang Bajo de Masinloc pero dahil sa mga hampas ng malakas na alon ng dagat ay unti-unti itong nasira.

Naalala pa ni Senate President Juan Ponce Enrile na noong naninilbihan siyang minister ng National Defense ay humiling si dating Sen. Ramon Mitra Jr. ng P1 milyon para sa renobasyon ng parola sa Bajo de Masinloc.

Kinumpirma naman ng Philippine Navy (PN) na noong 1991 ay nagtayo sila ng posteng bakal sa naturang reef pero kalaunan ay nasira rin.

Sinasabing mayaman sa natural gas ang Bajo de Masinloc kung kaya inaangkin din ito ng China kahit na malayo sa kanila kumpara sa Pilipinas na sakop ng 200 miles exclusive economic zone.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply