Parusahan ang mga nagpapakasangkapan

MILYONG halaga ng salapi ang nawawala sa mga magsasaka mula sa mga rehi-yon 11,12 at 13 dahil sa kawalanghiyaan ng sindikato nang namemeke ng mga abono na gamit ng mga magsasaka para maging malusog at mabunga ang kanilang mga pananim.

Mabuti na lang at may nagmagandang loob na mga may-ari at mga tauhan ng isang kompanya na naawa sa mga magsasaka na niloloko ng mga miyembro ng sindikato na pinangungunahan ng isang nagngangalang Edgar Calledo ng Davao City.

Gumawa ng hakbang ang nasabing kompanya upang gisingin ang natutulog na kamalayan ng mga nilolokong mga magsasaka.

Ang gawa kasi ng sindikato ay hinahaluan ng asin at apog ang abono na kanilang binili mula sa iba’t ibang kompanya bago ilalagay sa ibang sako.

Malaki ang pinsalang dulot nila sa mga magsasaka dahil nadaraya na ang huli, nasisira pa ng asin at apog ang yaman ng lupang kanilang pinagtataniman.

Sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), una na sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG),  nabuwag ang sindikato ng pekeng abono nang sala-kayin sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang sampung bodega na hinihinalang ginagamit na taguan ng mga epektos ng sindikato.

Ang masaklap nito, ang report sa Department of Agriculture (DA) ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA)sa pangunguna ng regional officer ng Region 11 na si Estella Laquinta ay sila ang nakipag-coordinate sa CIDG, PNP at National Bureau of Investigation (NBI) kaya bumagsak ang sindikato.

Samantalang nang gawin ang pagsalakay sa mga bodega ay walang representante ang FPA at iginigiit nila na hindi kayang gapiin ng pulis ang sindikato dahil protektor ang mga ito.

Pero nang mahuli ang may pakana nang paghahalo ng asin at apog sa mga abono, sinasabi ng FPA na asset nila ang inarestong si Calledo.

Kung impormante nila si Calledo, sino ang itinutuga nito?  Iyong mga sinusuplayan niya?

O mga alaga rin ng taga-FPA Region 11?

Sinasabi rin ng taga-FPA Davao na maliit lang na supplier si Calledo subalit kung pagbabatayan ang mga laman ng bodegang pag-aari niya na sinalakay, makikitang hindi ito maliit na negosyante.

Dapat na talagang kumilos ang DA upang mabigyang katarungan ang panloloko sa mga magsasaka na nagpapakahirap magpatulo ng pawis sa pagtatanim upang may magandang ani subalit sinisira naman ng mga walang kuwentang kawani ng kanilang nasasakupan. Sa usaping ito, dapat kumilos na ang pamahalaan at parusahan ang mga nagiging kasangkapan sa panloloko sa mga mahihirap na magsasaka.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply