‘Pig Holiday’ tinapos ngayong araw

TINAPOS na ngayong araw ang pig holiday na inilunsad nitong Biyernes ng backyard hog raisers.

Ito ay matapos kumpirmahin ni AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones na ang pig holiday ay sinimulan noong Biyernes kung saan tatlong araw na itinigil ang pagbebenta ng baboy ng backyard hog raisers.

Naunang sinabi ng kongresista, bise presidente ng Pork Producers Federation of the Philippines na ang pig holiday ay tatagal hanggang sa linggo.

Ito aniya ay bilang protesta sa patuloy na pagkalugi ng mga magbababoy resulta ng sobrang importasyon at smuggling ng karneng baboy.

Binanggit pa ni Briones na 20 porsiyento na ng backyard hog raisers ang nawalan ng kabuhayan dahil sa over importation at smuggling ng karneng baboy.

Ang sobrang importasyon ay panganib din sa publiko dahil hindi maiaalis ang posibilidad na may sakit ang karneng inaangkat.

Kung hindi aniya aaksyon ang gobyerno, posibleng umabot sa 10 milyong magsasaka ang mawawalan ng hanapbuhay kasama na ang magbababoy, magmamanok pati na rin ang nasa pagawaan ng feeds.

Dahil dito ay hiniling ng hog raisers ang pagbibitiw nina Bureau of Animal Industry Director Efren Nuestro at National Meat Inspection Service Director Jane Bacayo dahil sa kawalan ng aksyon.

Nagbabala rin si AGHAM Partylist Rep. Angelo Palmones sa administrasyong Aquino na huwag  balewalain ang banta ng mga magbababoy ukol sa pork holiday.

Kapag nangyari aniya ito ay maaaring magdulot ito ng panganib sa food security ng bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply