P@#$%&*I+:(*&%N*@(+%^ mamamatay-tao kayo

ISA na namang reporter ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding in tandem sa Koronadal City, South Cotabato kahapon.

Nalagutan ng hininga mismo sa loob ng patrol car ng Bombo Radyo si Rommel Palma, 31, ng Barangay Concepcion, Koronadal City.

Naka-park si Palma at nag-aantay ng kanilang coverage sa lugar nang lapitan ito ng mga killer at pagbabarilin sa ulo at likod.

Nakatakas agad ang mga killer at hinahanting na umano ng mga pulis ang mga ito.

HAGIBIS COCUS, BOBOT ABRIDO

Totoo bang itong binansagang sina Hagibis Cocus at Bobot Abrido ang mga pumaslang kay Palma?

Itong dalawa kasi, mga Bro, ang minsan nang nakitang sumusubaybay sa himpilan ng Bombo Radyo.

Ano ang motibo o dahilan ng mga ito para paslangin si Palma nang walang kalaban-laban? Mayroon bang ibang sangkot na iba pa sa pagpaslang?

Nagtatanong tayo, Suki, dahil sa dami ng mga kasong pagpatay sa mediamen na nakalilito.

Isang halimbawa ang pagpatay kay Doc Gerry Ortega.

Inabot ng liko-liko at pasikot-sikot na daan ang pangyayari bago nagkaroon ng linaw ang pagkakasangkot sa pagpatay ng mga malalaking tao, bukod sa mga triggerman.

Pero kahit pinangalanan na ang mga ito, ang hustisya naman ay tila malayo pang makamit ng kanyang mga naulila at mga kasamahan sa trabaho.

PROBLEMA SA LUPA?

Pinalalabas ngayon ng mga pulis na ang problema ni Palma sa lupa ang isa sa mga pinakamalaking dahilan kung bakit siya pinatay.

Pero puwede ba, kayong mga bro na pulis na palalimin ninyo nang husto ang inyong imbestigasyon?

Marami na kasing kasong inililigwak mismo ng mga pulis ang mga kasong pagpatay o tangkang pagpatay  sa mediamen at isa na ngang halimbawa ang Doc Gerry Ortega slay.

KASO NI FERNAN NI ANGELES

Ganito rin ang nangyari kay Fernan Angeles, Malacañang  reporter ng Tribune.

Anak ng tokwa, mas inuna pa ng mga pulis na kalkalin ang anomang kaso mayroon si Angeles at pang-aaresto sa kanya kaysa hanapin ang mga bumaril dito.

Hayun at nakahalata ang mga nakatataas. Pinagsisibak silang mga pulis-Pasig.

Ang Pasig City ay pinamumugaran ng mga bigtime na druglord at pusher at may lumalabas na balita na pinagkakaperahan ang droga ng ilang pulis sa nasabing lungsod.

Dahil na rin sa naganap na panglalaglag ng ilang pulis  sa mga kasong pagpatay at pamamaril sa mediamen, advice natin sa mga lespu na magpalalim sila ng mga imbestigasyon at gawing totoong-totoo ito.

KATARUNGAN

Siyempre pa, mga Bro, katarungan na lamang ang isa sa mga nalalabi na pangarap ng ilan nating mga kasamahan, kasama na ang mga pamilya ng ating mga ka-Bro sa propesyon.

Sentro ng katarungan ang pag-aresto sa mga salarin at pagpaparusa sa mga ito.

At pagbabayad ng danyos upang hindi sila tularan ng iba at bilang consuelo sa mga naulila na nawalan ng ama, ina, anak o iba pa sa pagkakapaslang ng biktima.

LABAN PARA SA PAMAMAMAHAYAG

Pero kailangang lumagpas tayo sa mga ordinaryong takbo ng mga pangyayari, mga Bro.

Ang pagpaslang sa mamamahayag ay hindi basta pagkitil ng buhay.

Sa pagkakapaslang ng sinomang mamamahayag, namamatay rin ang kalayaan sa pamamahayag.

‘Yang pagpaslang ang pinakamatinding censorship na kalayaan sa pamamahayag.

At sa censorship na ito, ang lipunan at hindi lamang indibidwal ang nagiging biktima ng kawalan.

Nawawalan ang lipunan ng isang batayang karapatan: ang pag-alam sa katotohanan, lalo na ang mga kabuktutan sa pamahalaan na napakalaking sumpa sa mamamayan.

Ang buktot na pamahalaan, kung hindi mababantayan ng mamamayan sa tulong ng media ay tuluyang mangwawasak ng buhay nating lahat.

MAS MARAMI ANG NAMAMATAY

Agree kayo o hindi, mga Bro, kapag hindi mabantayan, ma-expose at mapatalsik sa puwesto ang mga buktot sa pamahalaan, higit na marami ang mamamatay kaysa ang mediamen.

Dahil sa kabuktutan sa anyo ng mga magnanakaw at mandarambong sa kaban ng bayan, marami ang namamatay sa gutom, sa pagkakasakit, sa mga lehitimong pagrereklamo at iba pa.

Paanong hindi magkakaroon ng kamatayan lalo na sa bahagi ng mga mahihirap kung pagnanakawin ng mga buktot ang mga pondo para sa pagkain at kalusugan ng mga maysakit.

At kung inirereklamo naman ang mga buktot na ito, pilit nilang itinatago ang kanilang kabuktutan sa pamamagitan ng pagpaslang sa mediamen at sinomang testigo sa katotohanan laban sa kabulukan.

PANAWAGAN KAY PNOY

Parami nang parami, mga Bro, ang pinapatay na mediamen. Kahit sa ngayon na umiiral umano ang matuwid na daan.

Kapag magpatuloy ang krimeng ito, ano na lang ang mangyayari sa media na katuwang ng pamahalaang matuwid para sa pagtutuwid ng mga liko-likong daan lalo na sa pamahalaan?

Kay dito dapat bigyan ng ating Pangulong si Noynoy Aquino ng pansin ang halos buwan-buwan na pagpatay sa mediamen.

Pangulong Noynoy, ano-ano na ba ang mga naiisip ninyong kalasag ng mediamen mula sa mga mamamatay-tao?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply