Pinas hindi na mag-aangkat ng bigas; ngunit paano?

MAGANDA ang sinasabi ng International Rice Research Institute ukol sa produksyon ng bigas sa bansa.

Lalo na ang paniniwala nitong ‘di dapat na umangkat ang Pinas ng bigas.

Sabi ng IRRI, isa sa mga dahilan ng pagkukulang ng bigas sa atin ang pagiging aksaya natin sa bigas.

Sa bawat limang takal umano na niluluto natin, may tatlong kutsarita na nasasayang.

Marahil ay may katwiran ang IRRI.

Gaano ba kasi kalaki ang kakulangan ng suplay ng bigas taon-taon?

Ang sabi, nasa 10 porsiyento lamang. Ang tatlong kutsarita ba ay katumbas ng 10% ng limang takal ng bigas na ating niluluto?

ITINATAPON ANG KANIN

Ayon sa mga nag-aaral sa nagaganap sa mga fastfood, marami ang natitirang kanin ng mga kumakain.

Kung pagsasama-samahin umano ang mga natitira sa mga ito at iniiwanan lang ng mga kumakain, napakalaking bulto umano ito araw-araw.

Paano pa kung isasama ang mga hindi kontroladong pagsasaing na sobra-sobra sa isang pamilya at hinahayaan lang na mapanis?

Pagdating ng gabi sa mga fastfood, nakikita ang mga bag na pambasura na puno ng mga itinatapon na kanin.

Itinatapon naman ng mga pamilya ang mga napapanis nilang sobrang luto.

GREEN REVOLUTION

Itong IRRI ang naging pakner ng pamahalaang Marcos noon para sa programang rice self-sufficiency noong martial law.

At talaga namang sinasabi ng lahat na may sapat na suplay ng bigas sa mga panahong iyon.

Sa partnership na iyon, nakita natin ang mga sistematikong pagsasaka.

Kasama na rito ang mga may sukat na pagtatanim at paggamit ng mga miracle rice.

At pagkakaroon ng mga programang gaya ng magandang pagpapautang, sapat na suplay ng abono at pagtatayo ng maraming imbakan at tuyuan ng mga palay.

LAND REFORM

Pero may kakaibang programa na nagtiyak ng sapat na suplay ng bigas: ang istriktong produksyon ng bigas na kakambal ng land reform.

Sa land reform ni Marcos, maraming asyenda ng palay ang nasagasaan o nahati-hati sa mga magsasaka.

Naging masipag ang mga magsasaka sa pagtatanim dahil suportado sila sa pagsasaka at pagkakaroon ng lupain ng pamahalaan.

MALALAKING MGA DAM

Meron pang mahalaga na ginawa ni Marcos noon.

Naglalakihan ang mga dam ng tubig na pinaggagawa ni Marcos noon.

Kahit sa Mindanao mayroon din.

Eh tubig ang buhay ng palayan.

Kahit na katakot-takot na El Niño ang dumating, kayang magsaka ng lahat ng mga magsasaka dahil may suplay ng tubig sa mga palayan.

KAHIT MAGKABAGYO-BAGYO

Isa pa, noon kahit magkabagyo-bagyo at magkabaha-baha, hindi gaanong iniinda ng mga magsasaka ang magtanim.

Kung nasisiraan ang mga magsasaka ng mga palay sa bagyo at baha, naririyan ang pamahalaan na umalalay sa kanila sa mga pautang sa binhi, abono at tubig.

PATI PESTE NILALABANAN

Harap-harapan ding nilabanan noon ang pagkakaroon ng mga peste sa palay.

Todo saliksik ang IRRI at iba pang itinayong chemical companies ukol sa mga gamot na panlaban sa mga peste.

SERYOSO SA TARGET

Basta gusto, magaganap.

Ito ang nakitang katangian ng pamahalaang Marcos noon. Ginusto nitong hindi lang maging sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

Ginusto rin nitong maging exporter ng bigas.

At nangyari nga sa ilang panahon.

PUMARITO SILA PARA MAG-ARAL

Nabighani ang maraming bansa sa tila mamilagrong produksyon ng bigas sa Pinas noon.

Kaya naman, maraming Thailander, Intsik, Taiwanese at iba pa na pumasok sa University of the Philippines-Los Baños para mag-aral sa agrikultura, lalo na ang produksyon ng bigas.

Dito sila natuto ng mga makabagong pamamaraan ng pagsasaka, makabagong binhi, makabagong pag-aalaga ng mga ani at marami pang iba na nagtitiyak ng magandang produksyon ng bigas.

ISKOLAR NG BAYAN

Nagkaroon ng maraming iskolar ng bayan na dayuhan  at nagsiuwi sila sa kani-kanilang mga bayan o bansa.

At napansin natin, sumulong nang todo ang kanilang agrikultura…ang kanilang produksyon ng palay lalo.

Nagdagdag sila ng mga programa gaya ng pagkakaroon ng maraming mga farm to market road na magaganda at sanga-sanga at pagtulong ng kani-kanilang mgapamahalaan sa produksyon.

PINAS NAIWANG NAKANGANGA

Paglipas ng panahon, naiwan tayong nakatanga.

Nakatanga na may pagtatakang naging pinakamalaking importer tayo ng bigas mula sa mga bansang nagpadala ng kanilang mga iskolar ng bayan para mag-aral sa ating bansa.

Ano ang nangyari?

Nakatanga rin tayo sa pagkakabenta ng mga dam sa mga pribadong kompanya upang magamit para sa higit nilang pagkakaperahan kaysa pagbibigay ng tubig sa mga
sakahan.

Pinababayaan nating sakupin ng mga gustong magtayo ng mga subdibisyon, golf course
at industrial zone ang mga sakahan.

Pinababayaan natin ang sarili nating mga magsasaka sa pagdating ng mga salot ng bagyo, baha, peste, mababang presyo ng palay at marami pang ibang kabuwisitan.

Kayo sa Department of Agriculture, ano-ano na ang inyong ginagawa?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply