Pinas naalarma sa pambabraso ng China

NAALARMA na ang Pilipinas sa pambabraso ng China nitong Sabado sa Scarborough Shoal matapos pahagingan ng humaharurot na barko ng Beijing ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard sa pinagtatalunang grupo ng mga isla malapit sa Zambales.

Bagama’t walang naiulat na nasaktan, ikinabahala pa rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang insidente dahil inilagay nito sa panganib ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Ayon pa kay Foreign Affairs Assistant Secretary Raul Hernandez, pinabayaan na lamang ng mga kagawad ng PCG ang pambrabraso ng China upang hindi na lumala pa ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa ulat na nakarating sa kagawaran, naganap ang insidente nang ‘pitikin’ ng isang humaharurot na Chinese vessel ang dalawang PCG ships na nagresulta sa paglakas ng mga alon at tumama sa mga barko ng Pilipinas.

Naglalayag umano sa bilis na mahigit sa 20 knots o 37 kilometer per hour ang Chinese vessel, ayon pa sa ulat na tinanggap ng DFA.

Sinabi pa ni Hernandez na posibleng magpadala ng note verbale ang Pilipinas sa Chinese embassy sa Maynila upang humingi ng paliwanag kung bakit naganap ang nasabing insidente.

Batay sa DFA, ang note verbale ay hindi diplomatikong protesta ng isang bansa kundi uri ng diplomatikong komunikasyon na naghahangad ng paliwanag sa isang isyu na kinasangkutan ng dalawang bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply